Target ni Tulfo by Mon Tulfo
“I DID my best,” sabi ni Chief Supt. Rodolfo Magtibay.
Si Magtibay, na sinibak bilang hepe ng Manila Police District (MPD), ay commander on the ground noong Aug. 23 hostage incident sa Luneta na nagbigay ng malaking kahihiyan sa bansa dahil sa palpak na rescue na naging resulta ng pagkapatay ng 8 Hong Kong tourists.
General Magtibay, your best was not good enough.
Kung ganoon ang sinasabi ni Magtibay na “best” performance,” wala nang gagawing magaling ang ating kapulisan.
Kaya naman pala kapag may holdup sa bangko, hindi nakakarating agad ang mga pulis dahil ganoon sila kapalpak.
* * *
Ipinakita na naman natin ang ating katangahan sa buong mundo nang ang tatlong bangkay ng mga biktima sa Luneta hostage crisis ay napunta sa maling pamilya.
Susmaryosep! Nagmukha na naman ang Pilipinas na bansa ng mga tanga.
Sunud-sunod ang indulto ng ating bansa.
When it rains, it pours.
Kapag ikaw ay inabot ng kamalasan, sunud-sunod na dumarating ang indulto.
Kapag ikaw naman ay inabot ng suerte, sunud-sunod din ang dating ng magandang kapalaran.
Ganoon ang buhay kaya’t huwag tayong mawalan ng pag-asa dahil parang walang katapusan ang gabi.
Sisinag din ang araw sa ating bansa.
* * *
Ngayong alam na ni Quezon City Judge Jocelyn Solis-Reyes kung ano ang reaksiyon ng taumbayan kapag pinagbigyan niya ang kahilingan ng nasasakdal na patagalin ang kaso ng Maguindanao massacre, madadala na siya.
Nagsiklab sa galit ang taumbayan sa ginawa ng defense lawyers na i-postpone ang hearing ng Maguindanao massacre.
Kahit na si Pangulong Noy ay nainis sa pagbibigay-daan ni Judge Reyes sa mga akusado na ipagpaliban muna ang bista ng kaso.
Kapag naramdaman ng taumbayan na pinapaboran niya ang mga akusado, baka siya’y bitayin.
* * *
Kung hindi kaya ni Judge Solis-Reyes na hawakan ang napalaking kaso ay dapat bitiwan niya ito.
Maraming mga hukom na mas matapang na puwedeng humawak ng kaso.
Marami ring hukom na puwedeng hawakan ang kaso na hindi nasusuhulan.
Sabihin lang niya na hindi niya kaya.
* * *
Ang pagiging lasenggo diumano ni Executive Secretary Paquito Ochoa ay nagiging isyu ngayon.
Palagi daw naglalasing ang “Little President.”
Di baleng naglalasing as long as he does it outside office hours at hindi nakakaapekto sa kanyang trabaho.
There are many great men in history who were drunkards. One of them was Prime Minister Winston Churchill during Britain’s dark hours when it was in danger of being invaded by Nazi Germany.
Naglalasing si Churchill kapag mag-isa na siya o kasama ang kanyang malalapit na kaibigan.
Kahit na lasenggo si Churchill hindi alam ito ng kanyang mga constituents dahil di siya nila nakikitang susuray-suray sa kalasingan.
Pero kapag nakakaapekto na sa trabaho ang kalasingan ng isang opisyal ay dapat kumunsulta na siya sa isang eksperto o kaya ay sumali siya sa Alcoholics Anonymous.
Kapag ikaw ay lasing at di mo na alam ang iyong ginagawa, ikaw ay isang alcoholic na dapat ay gamutin.
* * *
Ang paglalasing ang nakasira kay dating Pangulong Erap.
Dahil sa kanyang paglalasing gabi-gabi, nakaapekto ito sa kanyang tungkulin bilang lider ng bansa.
Hindi na siya nakakapasok ng opisina sa umaga dahil may hang-over siya. Ang importanteng mga gawain ng Pangulo ay nagaganap sa umaga.
Pirma lang siya ng pirma kung ano ang ipinapasa sa kanyang mga papeles na hindi niya binabasa dahil sa kanyang kalasingan.
Dahil sa kanyang paglalasing, nawalan ng paggalang sa kanya ang kanyang mga tauhan, partikular na yung mga heneral.
Ang mga heneral ay sumama sa Edsa 2 na nagpatalsik sa kanya sa tungkulin.
Bandera, Philippine News at opinion, 090610