Brgy. chair, 5 pa dinukot ng NPA

DINUKOT ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang isang barangay chairman at lima pa katao matapos salakayin ang mga tropa ng pamahalaan sa Loreto, Agusan del Sur, kamakalawa.

Tinangay ng mga rebelde sina Brgy. Sabud chairman Lito Andalique, kagawad Balaba Andalique, Marvin Bantuasan, Maria Gina Bantuasan, Crisanto Piodos, at ang miyembro ng Civilian Volunteers Organization na si Pepe Subla alas-7:30 ng umaga, ayon kay Supt. Martin Gamba, tagapagsalita ng Caraga regional police.

Ang anim ay pawang mga kandidato para sa iba-ibang puwesto sa barangay elections, ayon naman kay Capt. Alberto Caber, tagapagsalita ng Armed Forces Eastern Mindanao Command.

Bumuo na ng crisis management committee ang lokal na pamahalaan ng Loreto para asikasuhin ang pagpapalaya sa mga dinukot, ani Caber.

Ayon kay Gamba, bago ang pagdukot ay pinaputukan ng aabot sa 40 rebelde ang 12 miyembro ng 26th Infantry Battalion sa kasukalan ng Brgy. Sabud.

Dahil sa pagsalakay ng mga rebelde, nasugatan si Pfc. Joe-Gil Cabillo, anang regional police spokesman. Habang naki-kipagsagupaan sa mga kawal ang kanilang mga kasamahan, pinasok ng ibang rebelde ang barangay proper at doon puwersahang pinalabas ang may 70 katao mula sa mga bahay, ayon naman kay Capt. Christian Cuy, tagapagsalita ng Army 4th Infantry Division.

Balak sanang tulungan ng mga barangay official ang sugatang sundalo, ngunit pinigil at binantaan pa na papatayin ng mga rebelde, ani Cuy.

Nang dumating naman ang isang military helicopter para sunduin ang sugatang kawal ay pinaputukan din ito ng mga rebelde, aniya.

Tinutugis na ng pinagsanib na puwersa ng 26th IB at PNP ang mga rebelde, ayon kay Caber.

Read more...