NANALO ng apat na gintong medalya si Marie Claire Adorna sa swimming competition ng UAAP Season 76. Bukod sa apat na ginto, nagtala rin si Claire ng dalawang bagong UAAP record upang tulungang maging overall champion ang University of the Philippines sa swimming. Subalit hindi naging madali para kay Adorna ang tagumpay. Muntik siyang di palanguyin ng mga UAAP officials dahil sa kontrobersyal niyang pagsali sa 2013 Universiade sa Kazan, Russia. Sa ekslusibong panayam ni Bandera correspondent Eric Dimzon, inihayag ni Adorna ang kanyang pinagdaanan.
Ano ang feeling mo sa pagkapanalo mo ng apat na ginto, dalawang pilak at isang tanso sa UAAP?
Masayang-masaya.
Bakit ka muntik na hindi pinayagang lumangoy sa UAAP?
Dahil naglabas ng memorandum ang UAAP board na kapag sumali ako sa World University Games na ginanap sa Russia, ako ay masususpend for one year sa UAAP.
Pinagbantaan ka bang sususpindihin ng UAAP?
Sinabi lang po nila sa memorandum na ganun nga po ang mangyayari.
Bakit ipinagpilitan mo pa ring makalaro sa UAAP?
Dahil alam ko pong nasa tama ako at karapatan ko bilang atleta na lumaro sa UAAP dahil wala naman po akong nilalabag na batas.
Ano ang pinakamahalagang aral na natutunan mo sa lahat nang nangyari sa iyo sa UAAP?
Na kung alam mong ikaw ay nasa tama, ipaglaban mo ito. At kahit anong pagda-down ang gawin sa iyo ng mga taong nakapaligid sa iyo, ipakita mo sa kanila na di ka naaapektuhan. At gawin mo lang ang dapat mong gawin.
Kamusta naman ang iyong naging karanasan sa Universiade?
Masayang-masaya at isang malaking karangalan sa akin na irepresenta ang ating bansa sa isa sa napalaking event sa mundo. Marami akong natutunan at ito ay maituturing na once in a lifetime experience.
Pag wala ka sa swimming pool, ano ang pinagka-kaabalahan mo?
I spend time with my family. Nagba-bike kasama ang daddy ko.
Ano pa ang nais mong marating bilang swimmer?
Gusto kong mag-Olym-pics kung papalarin at maka-inspire pa ng mga atleta.