Kung noong una ay nagkasibakan sa Southern Police District (SPD) dahil sa nawala at lumitaw na P27M cash sa raid sa Parksuites, Parañaque, ngayon naman ay umalingasaw ang isang illegal na POGO hub at prostitution den sa FB Harrison St., ilang metro lang ang layo sa Pasay police Station 1 sa Williams St., at Pasay city hall.
Ang anim na palapag na gusali bukod sa “illegal gaming” na merong KTV at fully furnished karaoke rooms, pati massage parlors ay sinalakay ng Presidential Anti-organized Crime Commission (PAOCC) sa pangunguna ni Usec Gilberto Cruz. Sa search warrant ni Judge Maricris Felix ng RTC 35, nahuli ang siyam na opisyal ng Smart Web Technology Corporation na natuklasang may expired na lisensya ng POGO ng PAGCOR pero patuloy na nag-ooperate. Na-rescue din ang 731 Chinese at Pinoy workers na biktima ng “sex trafficking”.
Agad namang inirekomenda ni SILG Benhur Abalos sa isang sulat kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda na imbestigahan ang kasalukuyang hepe ng Pasay City police PCol Froilan Uy tungkol kawalan nito ng aksyon sa natuklasang “unlicensed gaming hub” at sex trafficking”. Inirekomenda rin ni Abalos na agad i-relieve ang commander ng malapit na police substation kasama ang lahat ng pulis doon habang isinasagawa ang imbestigasyon. Ayon pa kay Abalos, imposibleng hindi nila alam ang mga “criminal activities” sa kalapit nilang gusali kung saan higit 600 ang mga biktima”.
Marami tuloy ang nagtatanong sa mga pulis-Pasay. Kapabayaan ba ito ng police chief o station commander? Katamaran ba ang problema rito kaya di nahuli? O ang pinakamatinding tanong, baka naman kasosyo sila?
Dapat ding imbestigahan ni Pasay Mayor Imelda “Emi” Calixto-Rubiano si Bureau of Permits and Licensing office (BPLO) Mitch Pardo, kung may mayor’s permits ba ang karaoke, massage parlors, restaurant, pharmacy at POGO ng Smart Web technology, gayong expired na ang POGO license nito. Naniniwala akong di papayagan nina Mayor Emi Calixto lalong lalo na si Pasay City Congressman Antonio Calixto ang ganitong illegal POGO at sex trafficking den sa kanilang lugar. Tiyak aalamin nila ang puno’t dulo ng iskandalong ito.
“Police corruption conspiracy” ang nakita natin sa POGO raid ng SPD sa Parksuites condo sa Parañaque at P27M cash ang tinangkang kupitin. Doon po sibak ang police substation commander, pati SPD chief, tanggal din. Dito naman sa Pasay City, ma-relieve kaya ang chief of police at pati substation commander at lahat ng pulis doon?
Abangan natin kung ano ang gagawin ni PNP Chief Benjamin Acorda dito sa Pasay City!
Korapsyon sa barangay at SK, hihina dapat dahil wala nang magka-kamag-anak
Bagamat 19 na kandidato at botante ang namatay sa nakaraang BSKE elections, matiwasay namang naganap ang paglilipat ng kapangyarihan mula sa mga dati at mga bagong halal ng bayan. Importante kasi ang eleksyon na ito dahil ngayon lang naipatupad ng “anti-dynasty provision” ng ating Saligang Batas.
Sa mga nanalong kapitan at kagawad ng barangay at SK, bawas na ang kanilang koneksyon sa mga dating “incumbent”. Una, binawalan nang kumandidato ang mga anak at kadugo ng mga kapitan at kagawad. Ikalawa, mga bagong mukha ang nagwagi sa mga kagawad at deretsahan kung masasabi na mahihirapan ang mga kapitan na bolahin ang kanyang sanggunian. Sabi ko nga sa inyo, dahil di sila magkakamag-anak, matinding bantayan sa isa’t isa ang inaasahan natin. At wag silang magkakamali dahil ang susunod na eleksyon ay December 2025, sabi ng Korte Suprema. Ibig sabihin, sobra lang sa dalawang taon ang kanilang itatagal sa pwesto at mag-eeleksyon na naman.
Para maging corrupt ang isang barangay o SK, dapat kasangkot o kakuntsaba ang lahat ng mga kagawad sa mga illegal na resolusyon. Ibig kong sabihin, bago gumastos ng salaping bayan ang bawat barangay o SK, bago sila magpatupad ng proyekto dapat ay pumirma ang mayorya sa kanilang sanggunian.
Noong nakaraang mga administrasyon, maraming yumamang barangay captain at barangay treasurer dahil sa napakaluwag ng “disbursement” ng pondo ng mga local government units. Sa halip na may resolusyon ng sangguniang barangay, “certification” lang ng barangay treasurer at pirmado ng barangay chairman” ay irerelease na agad ng kakuntsaba at “tiwaling” city treasurer ang mga pondo.
Dito sa Metro Manila may mga barangay na ang pondo ay umaabot ng P188M. At sa pagpapatupad ng bagong Mandanas doctrine ng Korte Suprema, ang paglipat ng pondo ng national government papunta sa mga LGU at mga barangays ay magpapalaki pang lalo sa kanilang budget.
Noong panahon ng yumaong DILG usec Martin Diño, na dati ring Quezon City barangay captain, sinuspindi niya ang 89 na kapitan ng barangay na nagawang i-withdraw ang pondo ng barangay sa mga bangko kakuntsaba ang mga lokal na tesorero. Hindi na nila ginawang requirement ang pirmadong resolusyon ng sanggunian.
Kaya naman ngayon, ang susunod na hakbang dapat ng mga nanalo ay ang pagtatalaga ng mga matitinong opisyal tulad ng “barangay treasurer”. Sa totoo lang, kinakailangan ngayon ang “transparency”, gawing bukas sa publiko at pag-usapan ng husto ang lahat ng mga plano at gastusin ng barangay. Kayong mga halal na bagong lider sa barangay at SK, panahon nang walisin ninyo ang lahat ng uri ng “korapsyon” sa ating mga komunidad. Katapatan sa katungkulan, hindi pansarili. Hindi puro salita kundi dapat puro gawa.