Hindi ko malaman kung nasisiraan ng bait ang Metro Manila Council na binubuo ng lahat ng Metro Manila mayors nang aprubahan nila ang pag-aalis ng window hours sa number coding ngayong “ber months”.
Ang MMC resolution na may petsang October 3 ay nagtatakda ng panibagong “7am to 7pm with no window hours” sa lahat ng Circumferential at Radial roads sa Metro Manila. Ibig sabihin nito, kung number coding ang sasakyan mo, “BANNED” o bawal kang dumaan sa EDSA, Recto Ave., Pres. Quirino Avenue, Araneta Ave., CP Garcia Ave (C5), gayundin sa Roxas Blvd., Taft Avenue, SLEX, Shaw blvd, Ortigas Ave., Magsaysay/Aurora Blvd, Quezon/Commonwealth Ave., A. Bonifacio Ave.,Rizal Ave. at Anda circle to Samson Road. Isinama rin dito ang Alabang-Zapote road sa Las piñas-Muntinlupa , Samson road at Mabini sa Caloocan City, Marcos Highway at MacArthur Highway.
Ayon sa resolusyong ito, dahil daw sa tumitinding trapiko kapag kapaskuhan, kailangan nilang i-adjust ang “number coding”. Ayon sa MMDA data, tumataas ang “traffic volume” sa huling tatlong buwan ng taon dahil maraming sasakyan ang pumupunta sa mga commercial at retail areas. At nagkasundo nga ang mga alkalde ng Metro Manila at nag-isyu ng resolusyon matapos ang kanilang pulong sa Pasig. Wala pang petsa kung kailan ito ipatutupad ng MMDA at ng MMC, pero ngayon pa lang mistulang “CAR BAN” ang kanilang intensyon. Ayon sa resolusyon, magkakabisa ito matapos ma-publish sa dalawang (2) pahayagan at ang kopya ay naisumite sa Office of the National Administrative Register, UP College of Law.
Pinalitan ng resolusyong ito ang kasalukuyang UVVRP window hours na “7am to 10am at 5pm to 8pm” Lunes hanggang Biyernes. Ngayon, kahit number coding ang sasakyan mo magpalipas ka lang ng window hour ay pwede mo nang ilabas ang sasakyan mo.
Sa bagong sistema, garahe o hindi mo na magagamit ang halimbawa ay nag-iisang sasakyan mo sa maghapon. At kung paano ka makakarating ng upisina mo, bahala kang mag-commute o makisakay sa mga kapitbahay.
Walang problema rito ang mga mayayaman kasama na ang mga Metro Manila mayors na ito dahil tig-tatlo o hanggang apat ang kanilang sasakyan. Paano naman yung mga isang kotse lang ang kayang i-maintain? Gusto ba ng MMDA at MMC na bumili ng tig-isa pang kotse ang bawat motorista para makarating sa trabaho at mabuhay?
Mabuti sana kung maasahan ang mass transport system ng gobyerno ngayon sa Metro Manila. Siksikan ang MRT3, LRT 1 at 2, sususpindihin pa ang mga tren, at matagal pa ang MRT 7 at Mega Subway. Saan magko-commute ang mga empleado? Sa GRAB, Angkas, Joyride, Move it atbp? Ano ba naman kayo, mga mayor at MMDA?
Hindi ba’t Edsa at C5 lang ang matinding problema natin? Bakit hindi niyo muna sampulan ang “CAR BAN” diyan muna sa EDSA at C5 bago niyo isama ang lahat ng major roads dito sa NCR? Tutal meron nang ‘WAZE” kung saan alam ng mga motorista ang mga daan para umiwas sa Edsa o C5 . Kung nagkaka-traffic nang husto riyan, bakit idadamay niyo ang iba pang lugar na napakalayo naman . Bakit pati SLEX na tollway ang namamahala? At tanong natin, bakit motorista na naman ang may kasalanan sa nangyayaring traffic?
Inuulit ko, pabor ako sa NO WINDOW HOURS pero sa EDSA at C5 lang. Huwag na huwag naman sana sa lahat ng mga major roads dito sa Metro Manila. Kabaliwan talaga ang ganitong “shotgun approach” at “collective punishment” sa ating mga motorista. Nais nating malaman kung sinu-sinong mayor ang pumayag diyan sa resolusyon na iyan.
Pinag-aralan niyo ba ang epekto nito sa ekonomya ng Metro Manila? Sa totoo lang, magkakawindang-windang ang Metro Manila kapag pinatupad ang CAR BAN . Hindi na bago ang sistemang ito na walang window hours. Epektibo ito lalo na sa Makati. Pero, isang lungsod lang yun at hindi uubra sa buong Metro Manila.
Ngayon pa nga lang marami na ang umaalma kayat urong-sulong na ang MMDA sa pagpapaliwanag. Noong una, pinapabulaanan ang mga balitang aalisin na ang window hours, ngayon sinasabing “standby” lang daw ang resolusyon at titimbangin pa nila kung kakailanganin. Titingnan pa raw kung bibigat ang trapiko sa EDSA at C5 sa kalagitnaan ng Nobyembre.
Kabobohan. Abangan na lang natin magiging galit dito ng mga sambayanan dito sa MMDA at sa mga mayors ng Metro Manila Council.