Bandera Editorial: Isolated case nga ba?

Bandera Editorial

“…pagka’t masama ang simula ng araw na yaon ay maaaring may mangyari pang ibang kapahamakan.” Ang pangingisda, Noli Me Tangere, Jose Rizal

MASAMA nga ang simula ng Agosto 23, kaya nagtapos din ang araw sa masama: walong taga-Hongkong ang namatay at napatay din si ex-Senior Insp. Rolando Mendoza.  Noong gabi’y nahintakutan ang Pilipinas.  Pero labis ang sindak na sumakmal sa Hong Kong, at sa buong mundo.
Sumikat din ang araw ng kinabukasan para sa bayang nahihintakutan. Ang mga sabi-sabi at pala-palagay.  Noli Me Tangere, Jose Rizal
Sa pagsikat ng araw, isang miyembro ng Gabinete, na nilinang ng mahabang panahon ang pagiging dalubhasa sa larangang kanyang napili ang may buong dibdib ang nagsabi ng: “This is an isolated case.”
Katanggap-tanggap man o hindi ang kanyang sinabi, iba ang inilalahad ng mga sumunod na pangyayari:
*  Sinisigawan ang Pinoy sa HK.
*  Ilang Pinoy ang sinibak dahil nagalit ang Intsik sa Pilipinas.
*  Ibinuhos ng HK ang galit kay P-Noy hanggang sa tawagin itong idiot sa mismong kanyang facebook.
*  Di na nagtuloy ng Pilipinas ang ilang opisyal ng HK na nakatakdang magpulong.
*  Kinansela ang mga flights ng HK airline sa Laoag City.
*  Minura si Kris Aquino.
*  Di na nagtungo ng Pilipinas ang dalawang ginawaran ng Ramon Magsaysay Awards para tanggapin ang kanilang pagkilala.
*  Maingay at nagmumurang demonstrasyon ang isinagawa sa HK laban sa Pilipinas.
At hanggang Agosto 29 pa lang yan.  Para sa mga Intsik ay di pa tapos ang pagdadalamhati.  At mas lalong di pa hihinto ang pangungutya kay Pangulong Aquino, na anak nina Ninoy at Cory, at sa Pilipinas.
Tila ngayon lamang tumambad ang ganitong uri ng isolated case, kung ang ating paniniwalaan ay ang matalinong miyembro ng Gabinete.
Isolated case nga ba?  Marahil…

Bandera, Philippine news at opinion, 083110

Read more...