Bandera Editorial
HABANG isinusulat ang editorial na ito, wala pang sinisibak sa mga kapalkapan (kung meron man, daw) na nangyari sa hostage drama noong Lunes, bagaman inamin mismo ni P-Noy at ng National Police na may mga wow mali; kung ano man ang mga kamaliang iyon ay masyadong teknikal sa masa, malabo pa sa sabaw ng pusit at mahirap ipaliwanag sa pitong lasing.
Pero, si Manila Police District director Chief Supt. Rodolfo Magtibay ay nagprisinta nang lumiban muna (hindi magbitiw sa puwesto) habang isinasagawa ang imbestigasyon (sino’ng mag-iimbestiga, siyempre mga pulis din; at bakit di puwedeng ibigay sa truth commission o anumang bubuuing komisyon ang malayang pagbusisi sa insidente?).
Madaling sinibak (na may lakip at kimkim na galit) sina Dr. Prisco Nilo, ang umano’y mga hinirang ng hating-gabi (midnight appointees) at bawiin ang promosyon ng mga abogado ng gobyerno. Ang pinakamadali at pinakamabilis na sinibak ay si Delfin Bangit, kahit wala pang kapalpakang ginagawa.
Noong panahon nina Recaredo Sarmiento, Edgar Aglipay, Oscar Calderon, Avelino Razon Jr., agad na nasisibak ang mga pulis na malaki ang kapalpakan sa tungkulin, tulad ng nahuling natutulog sa presinto, nagpabaya sa illegal gambling at drugs, atbp.
Mahirap bang sibakin ang mga pulis na nagkamali o mas madaling sibakin ang siyentipiko na hindi naman aalma at mangho-hostage?
Tunay ngang masalimuot ang ugat at dahilan ng sinibak (na naman) na si Senior Insp. Rodolfo Mendoza. At dahil sa simple pero komplikado (raw) ang pagkakasibak kay Mendoza ay nakapagtataka (para sa hindi mga pulis) kung bakit tila naging bayaning tinitingala ang napatay ng sniper sa Luneta. Maging si Davao City Rep. Karlo Nograles ay naniniwalang malalim ang ugat ng problema at sang-ayon ang ilang psychiatrists na walang pinipili at tinitimbang na katuwiran ang depresyon at buryon.
Ito namang si Cesar Purisima ay napakaagang nagsabi na hindi lalaki ang problema sa hostage drama. Oo nga naman. Pero, isa-isa nang sinisibak at di tinatanggap ang mga OFW sa Hong Kong at umuusok na sinaing na ang galit ng mga Intsik sa mga Pinoy, lalo pa’t di sinagot ni P-Noy ang tawag ni Donald Tsang sa kasagsagan ng pangyayari.
Bandera, Philippine News, 082510