KADA taon at tuwing buwan ng Oktubre ay binibigyan pansin ng mundo ang sakit na breast cancer o kanser sa suso.
Ang layunin nito ay para ipaalam sa lahat, partikular na sa mga kababaihan, ang kahalagahan ng kaalaman tungkol sa nasabing sakit.
Ang awareness campaign na ito ay pinangungunahan ng Department of Health. Layunin ng kampanyang ito na higit na maraming kababaihan ang mailigtas mula sa nakamamatay na sakit.
Ang tagumpay sa pag-gamot ng breast cancer ay nakasalalay sa kung gaano kaaga ito malalaman (early diagnosis).
Paano nga ba masabi na mayroon kanser? Unang-una, ang mga babae ang kadalasang apektado nito bagamat meron ding mga lalaki ang nagkakaroon ng ganitong sakit.
Bukol ang unang sintomas na dapat tingnan. Kung may nakakapa na bukol, madali itong ma-eksamin.
Dito pumapasok ang kahalagahan ng breast sel-examination na ginagawa dapat ng kababaihan kada buwan, isang linggo matapos ng kanilang regla.
Ang kailangan, makita agad ng doktor kapag may bukol na nakapa ang pasyente para kumpirmahin na may bukol nga.
May mga bukol na sa eksaminasyon pa lang ay mukhang benign o hindi cancerous.
Ito ay maaring obserbahan lang kung kaya’t kinakailangan na mag-follow up check-up taon-taon.
Sa unang pagkakataon na may nakapa na bukol, takot kaagad ang nararamdaman.
Pagkatapos, andiyan ang denial stage na kung minsan ay humahantong sa pagpapabaya.
Natural lang na kapag napabayaan ang bukol, lumalaki ito at baka huli na kung gagamutin ito.
Kailangan kumunsulta kaagad sa doktor kung may bukol sa suso.
Ang kanser ay madalas nagpapakita na bukol na mag-isa, matigas at walang kirot.
Sa umpisa, ito ay maaaring gumagalaw at walang makikitang senyales sa balat.
Obserbahan kung ang nipple o utong ay may discharge o may lumalabas na likido.
Ginagawa ito sa pamamagitan ng maingat na pagpisil sa paligid nito. Ang dugo o kaya ang mapulang discharge ay nagpapahiwtig na posibleng may bukol na hindi maganda (intraductal papilloma).
Kapag naaapektuhan na ang balat, masamang senyales ito, malala na ang kanser.
Kinakapa din ang mga kulani (lymph nodes) sa kilikili (axilla) dahil sa ang isang direksyon ng pagkalat ng kanser ay sa pamamagitan ng lymphatics system.
Ang isa pang daanan ng pagkalat ng kanser ay sa mga ugat mismo kung kaya’t nariyan ang posibilidad na kumalat papunta sa atay, sa buto, sa utak at iba pang parte ng katawan.
Sa Biyernes: Abangan kung paano ang gamutan kapag meron ng diagnosis. Para sa mga tanong o reaksyon, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606 o 09277613906.