Hindi porke pirmado ng ama ang birth certificate, legitimate child na

DEAR Atty. Fe:
Hello po. Ako po si Nicc. May hipag po akong nabuntis ng kanyang BF, nagsama po sila kaso 7 months pa lang na naisisilang yung anak nila, nambabae na po ito at naging dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Hindi na rin po ito nagbibigay mg sustento.  Anyway, hindi naman po yung sustento ang problema namin, nakaapelyido  po kasi yung bata sa ama.
Paano po ba namin mapapalitan yung apelyido ng bata at isunod na lamang sa apelyido ng ina ang gamitin ng bata? Isang taon palang po ang bata. Sana po matulungan niyo kami. Maraming salamat po. God bless sa inyong lahat. — Nicc Rollan
Dear Nicc:
Ang isang batang ipinanganak ng isang ina, habang ito ay hindi kasal sa ama ng bata, ito ay isang “illegitimate child”. Kapag ganoon ang kaso, ang ina lamang ang may parental authority sa bata  kahit pa nakapirma ang ama sa kanyang birth certificate o recognized niya ito.
Kung ipinahiram ng ama ang kanyang apelyido sa isang “illegitimate child,” ito po ay nasa ilalim ng Revilla Law.
Ibig sabihin, hindi porke pirmado o recogonized ng ama ang bata ay magiging legitimate child na ang batang ipinanganak sa labas sa kasal.
Kung inyong gusto na gamitin ng bata ang apelyido ng ina, kailangan maghain ang nanay ng Petition sa Regional Trial Court kung saan siya at ang bata nakatira, at hilingin sa judge na ang ipagagamit na apelyido sa bata ay ang sa ina at hindi sa ama.
Bibigyan ng subpoena ang ama ng bata upang mabigyan siya ng pagkakataon mag-file ng comment o opposition sa inyong petition kung nais niya itong kontrahin. — Atty. Fe
Dear Atty. Fe:
Anong gagawin ko po sa kapatid ko? Ang lupa namin ay sinolo niya kasi nakapangalan daw sa kanya.  Tapos kaming magkakapatid wala na kaming kabuhayan.  Anong dapat naming gawin?  Patayin? Bigyan n’yo po kami ng tulong mam. —  Flory Codilla, Hagonoy, Davao del Sur, …9377
Dear Flory:
Mula  sa inyong kwento, ang aking pagkakaintindi ay ang lupa na napunta sa inyong kapatid ay isang minanang lupa.
Kung minana ito mula sa inyong mga magulang, magsampa ng demanda sa regional trial court ng “Petition for Intestate Succession of Nanay/Tatay”.
Sa ganitong paraan, bibigyan kayo ng pagkakataon na magsumite ng marriage contract ng inyong mga magulang, ang kanilang mga death certificate, at mga birth certicate ng kanilang mga anak.
Kasama po ang listahan ng mga magulang ninyo at kayong magkakapatid, kasama na ang kapatid na inyong inirereklamo na nang-agaw ng lupa.
Hindi rin solusyon na papatayin ang inyong kapatid dahil aanhin naman ninyo ang lupa kung kayo naman ay makukulong dahil sa pagpatay?
Hinay-hinay lang po. Lahat ng bagay ay maaaring ipasa-legal na paraan.  Salamat po. — Atty. Fe

Read more...