Walang mahihita sa sobrang kalasingan

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

SINO itong senador na kapag nalalasing ay nawawala sa sarili?
Ayon sa mga nakakakita sa kanya kapag siya’y lasing, para raw itong sanggano at kung anu-anong walang saysay ang pinagsasabi.
Parang di raw siya bagay sa kanyang mataas na posisyon kapag nasa impluwensiya siya ng agua de pataranta.
“Paye (hik) hutang ina kah (hik) taghay fah tahyo (hik) huwag ka mhunang humalis kasi vaka mafasama kah sa hakin. Nak ng futah naman wag moh hakong dayain sa taghay. Hayop kah (hik)!”
Pagmumura raw ang bukambibig ng senador kapag siya’y nalalasing.
Mr. Senator, huwag ka nang uminom ng alak kung di mo kayang dalhin ang sarili mo kapag ikaw ay tipsy na.
Baka wala nang maniwala sa iyo. Presidential material ka pa man din.
* * *
Hindi ko pinipintasan ang senador sa kanyang kahinaan.
Ang inyong lingkod man ay nagwawala rin noon kapag ako’y nalalasing.
Nawawala rin ako sa aking sarili kapag ako’y nalalasing noon; kung anu-ano ang aking sinasabi at masyado raw akong makulit.
Ang ginawa ko ay umiwas na akong uminom ng marami.
Pinipigilan ko na huwag malasing dahil meron na akong katungkulan sa lipunan.
Walang naidudulot na maganda ang kalasingan. Nawawalan ng respeto ang mga tao sa iyo. Nahihiya ka sa pinagsasabi mo kapag nanumbalik ka na sa iyong sarili.
* * *
At huwag na huwag kayong magmaneho kapag kayo’y lasing!
Ang akala ko noon ay mas matalas ang aking pakiramdam kapag ako’y nakainom.
Akala ko lang yun. Minsan ay nakatulog ako sa manibela at nabangga sa poste nang ako’y pauwi na matapos ang isang drinking spree sa mga barkada.
Mabuti at di ako nasawi.
* * *
Inuulit ko: Hindi ko pinipintasan ang senador sa kanyang kahinaan kapag siya’y nalalasing.
Binibigyan ko lang si Mr. Senator ng payo.
It takes one to know one, sabi nga.
Sabi pa nga, experience is the best teacher.
Kaya ako nakapagbibigay ng magandang payo dahil dumaan na ako sa ganoong kahibangan.
* * *
Sasabihin ko sa inyo kung gaano kasukdulan ang aking naranasang kahibangan noong ako’y bata pa at nalalasing.
May isang party akong dinaluhan kung saan puro ko barkada ang aking kainuman.
Nang kami’y lasing na lasing na at naubusan ng pulutan, naisip namin pintikin ang mga butiki sa kisame ng bahay kung saan ginaganap yung piging.
Marami kaming butiki na nahuli sa pamimintik  na gamit ang papel na nirolyo at binaluktot bilang bala sa lastiko.
Alam ba ninyo kung anong ginawa naming mga lasing sa mga butiki?
Ginawa naming pulutan ang mga ito!
Ngayon, naniniwala na ba kayo sa aking kahibangan noong ako’y lasenggo?
Ang ibig kong iparating sa kapwa kong mga lasenggo ay walang kinahihinatnan ang pag-inom ng labis-labis.
* * *
Tingnan ninyo na lang ang nangyari kay Erap: Dahil sa kanyang paglalasing, napatalsik tuloy siya sa kanyang puwesto bilang Pangulo.
Walang pakundangan kasi kung uminom si Erap. Nakita ito ng kanyang mga subordinates, lalong lalo na yung mga heneral at nawalan sila ng respeto sa kanya.
Kaya’t yung mga heneral na sana ay dapat magtanggol sa kanya noong mag-alsa ang taumbayan noong Edsa II ay sumama sa pagpapalayas sa kanya.
Kung alalay lang sana ang kanyang pag-inom ay baka natapos ang kanyang termino.
* * *
Nakasama ko rin si Erap noong siya’y senador pa sa inuman.
Pumunta kami sa isang girly bar kung saan ang mga babae ay sumasayaw na hubo’t hubad.
Nasa prente kami ng stage kung saan lumalakad at sumasayaw ang mga babae na parang mga kandidata ng Miss Universe.
Isang pilyang dancer ang nakakita kay Erap at nilapitan kami.
Alam ko na ang gagawin ng babae kaya’t tinakpan ko na ang aking baso.
Binunot ng babae ang mga buhok sa ibaba at pinulbos sa baso ni Erap.
Alam ba ninyo ang ginawa ni Erap na noon ay lasing na lasing na rin?
Ininom niya ang alak na pinagpulbusan!

Bandera, Philippine enws at opinion, 082310

Read more...