Target ni Tulfo by Mon Tulfo
KUNG hindi pa sa matapang at matalinong senador na si Miriam Defenso-Santiago, baka hindi pa naumpisahan ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa “euro generals” scandal.
Sinundot kasi ni Madame Miriam ang Ombudsman sa kanyang privilege speech.
Dahil dito, ipinalabas na ng Ombudsman ang kanilang findings tungkol sa kung saan nanggaling ang 105,000 euros (P6.9 million) na nahuli kay Gen. Eliseo de la Paz sa Moscow international airport.
Hindi raw galing sa pondo ng PNP, na ipinalalabas ni De la Paz, kundi ito’y personal funds o pag-aari ng mga generals at kanilang mga asawa na dumalo sa International Police (Interpol) Conference sa Moscow last year.
Kasinungalingan daw ang sinasabi ng PNP na pag-aari ng nito ang pera.
Sa nakalap kong balita, hindi nga galing sa pondo ng PNP kundi halos pag-aari lahat ni Mrs. Cynthia Verzosa, asawa ni PNP chief Jess Verzosa, ang mga euros na nahuli sa kanila.
Shopping money sana raw ni Mrs. Verzosa ang mga nahuling euros.
Kaya nga raw sumama si Mrs. Verzosa sa Interpol Conference kahit na wala ang kanyang asawa dahil magsa-shopping nga siya sa Europa pagkagaling sa Moscow.
* * *
Kawawa naman itong si De la Paz dahil siya ang naging martir sa pangyayari.
Inako ni De la Paz ang lahat ng pera dahil ayaw niyang mapasama si Verzosa na kanyang “mistah” sa Philippine Military Academy Class 1976.
Dahil sa iskandalo, iniutos ni Verzosa na sampahan ng kasong kriminal at administratibo si De la Paz.
Siyempre, pakitang-tao lamang ang ginawa ni Verzosa sa kanyang mistah.
Marami raw ibinigay na “concessions” itong si Verzosa kay De la Paz upang bayaran ang utang na loob niya rito.
* * *
Ito ang nangyari sa Moscow airport, ayon sa isa sa mga generals na kasama sa delegasyon:
Cleared na si De la Paz ng customs sa Moscow airport nang mapansin niya na ang hanay kung saan nakalinya si Mrs. Verzosa ay estrikto at pinabubuksan lahat ang mga bagahe ng mga nasa kanyang linya.
Lagot si Mrs. Verzosa, na naging kasing puti ng puting kumot, kapag nakita ang mga euros sa kanyang bagahe.
Inangkin agad ni De la Paz ang pera at siya ang inaresto ng Russian customs at pinakawalan naman ang lahat ng kanyang mga kasama.
Ilang araw din na na-deteyn si De la Paz sa Russia dahil sa euro smuggling kaya naging iskandalo ito sa ating bansa.
Imbestigang katakot-takot ang ginawa kay De la Paz, na noon ay PNP comptroller, na malapit nang mag-retire.
* * *
Ngayong alam na ng Ombudsman ang totoong nangyari, dapat ay isama si General Verzosa sa imbestigasyon sa euro scandal.
Isang taga-loob sa Department of Interior and Local Governments ang nagsabi sa akin na si Secretary Ronnie Puno ang nakiusap sa Ombudsman na huwag nang idamay si Verzosa.
Si Verzosa ay bata ni Puno at ito ang nagrekomenda sa kanya upang maging PNP chief.
Bagong upo lang si Verzosa nang sumabog ang euro scandal.
* * *
Alam ba ninyo kung bakit magre-retire ang mga PNP generals na miyembro ng PMA Class 1976, kasama na si Verzosa, ahead of their retirement date?
Dahil may mga puwestong naghihintay sa kanila.
Marami kasing puwesto na hindi pa napupuno ni P-Noy at naipangako niya ang ilang puwesto sa mga PNP generals na magre-retire ngayong taon.
Ang puwestong director of Bureau of Corrections ay nakalaan diumano kay Verzosa.
Ang hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay naghihintay naman sa isang general na may asawang addict sa sugal.
Ang asawa ni General ay palagi raw natatalo ng hundreds of thousands at kung minsan ay milyon-milyon sa mga casino.
May isang pagkakataon kung saan inimbita ng asawa ni General ang kanyang mga amiga at nag-charter sila ng eroplano papuntang Cebu upang doon ay magsugal lamang.
Por Diyos, por santo, kapag napuwesto si General sa PDEA, baka makipaglaro siya sa mga drug lords para lang mabigyang layaw ang pagiging adik ng kanyang asawa sa sugal!
Bandera, Philippine news at opinion, 081610