Cagayan makes history

MARAMI ang nanghihinayang na hindi umabot sa sukdulang Game Three ang Finals ng katatapos na Shakey’s V-League Season 10 Open Tournament.

Nabigo kasi ang Smart Maynilad na kaladkarin ang Cagayan Rising Suns sa deciding Game Three na kung sakali sana’y sa Linggo gaganapin sa Mall of Asia Arena.

Winalis ng Rising Suns ang Smart Maynilad, 2-0. Hindi naman masasabing lopsided ang serye. Kasi nga’y dumaan naman sa butas ng karayom ang Cagayan na nangailangan ng five sets sa dalawang larong iyon para pataubin ang Smart Maynilad.

Kumbaga’y ‘anything can happen’ sa mga larong iyon. Talaga lang nagpakita ng katatagan sa deciding fifth set ang Cagayan.
Sa totoo lang, kung ang karamihan  sa mga volleybal fans ay naghahangad ng Game Three na siguradong magiging hitik sa excitement, ang mga mahilig sa history ay nagdasal na sana’y mawalis nga ng Cagayan ang Smart. Bakit?

Historic nga kasi ang nakumpleto ng Rising Suns. Sila ang kauna-unahang koponan sa sampung taong kasaysayan ng V-League na hindi nakatikim ng pagkatalo mula umpisa hanggang dulo ng isang torneyo.

Winalis nila ang eight-team elimination round, 7-0. Winalis din nila ang six-team quarterfinals, 5-0. Tinalo nila nang dalawang beses ang Philipine Air Force sa semifinals bago nagtagumpay ng dalawang beses kontra Smart Maynilad sa Finals.

Sa kabuuan, 16 panalo ang naiposte ng Cagayan Rising Suns. Kaya naman tuwang-tuwa ang team owner nitong si Mayor Criselda Antonio na anak ng governor ng Cagayan na si Alvaro Antonio.

Ito ang kanilang ikalawang pagsabak sa V-league. Noong nakaraang season ay pumasok din sila sa Finals kontra sa Sandugo Sandals at natalo sila.

Hindi lang sila basta bumawi. Isang matinding statement ang kanilang isinigaw! Kaya naman sinasabi ng ilang supporter ng Cagayan na may pressure naman sa basketball team nito na kalahok sa PBA D-League na magsisimula bukas sa Ynares Center Pasig.

Kailangan daw ay masundan ni coach Alvin Pua at ng kanyang mga bata ang kampeonatong naiuwi ng volleyball team. Pero mas mahirap yata iyon ah!

Well, sinabi ni Mayor Antonio na patuloy siyang susuporta sa volleybal program ng bansa. Kasi nga, ang volleyball ay may special na bahagi sa kanyang puso. Dati siyang volleyball player ng Miriam College.

Siniguro ni Mayor Antonio na sasali ang Cagayan Rising Suns sa mga iba pang torneyo sa bansa. Binigyan na niya ng go-signal si coach Nes Pamilar na lalong palakasin ang kanilang koponan upang mapanatili ang winning tradition.

Pero siyempre, hindi na magiging madali ang mga susunod na laban nila. Kasi’y paghahandaan na sila ng husto ng mga makakasagupa nila.

Ang mahalaga’y nakakumpleto na sila ng makasaysayang sweep sa Shakey’s V-League. Siyanga pala, ang susunod na hinihintay ng mga volleybal fans ay anh Shakeys V-league All-Star Weekend na gaganapin sa Nobyembre 16 at 17 sa The Arena. See you there!

Read more...