Bandera Editorial: Kailan magkaka-divorce?

Bandera Editorial

KUNG tatanungin ang mga mambabatas na takot sa simbahang Katolika, kailanman ay hindi lulusot ang batas para sa diborsyo.
Muling inihain ng Gabriela ang panukalang batas sa diborsyo.  Unang inihain ni Liza Maza,  tulad ng inaasahan ay bangkay na sa umpisa pa lamang.  Ang muling pagbuhay sa panukala ay ginawa nina Gabriela Representatives Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus.
Sa unang diborsyo ni Maza, nagsagawa ng survey sa pamamagitan ng text ang Bandera sa Mindanao.  Nanalo ang diborsyo.  Siyempre, sa mga mambabasang Muslim, merong diborsyo at wala silang reklamo sa kautusan ng Koran hinggil sa paghihiwalay ng mag-asawa.  Hindi naabuso ang diborsyo ng Muslim dahil ito’y ibinase sa banal na aklat.
Kahit na sa mga Kristiyanong lalawigan sa Mindanao, nanalo pa rin ang diborsyo dahil ayaw na ng mga misis ng iresponsableng asawa, tamad at ayaw magtrabaho, nambubugbog, lasenggo, sugarol, babaero, drug addict, atbp.
Sa ikalawang pagtatangka ng Gabriela, iginiit nito na ang diborsyo ay kailangan sa mag-asawang di na nagmamahalan.  Napakasimple.  Naniniwala sina Ilagan at De Jesus na kailangang igalang ang pasya ng mag-asawa kung ibig na nilang maghiwalay dahil sila ang nakikisama sa isa’t isa at sila ang nakababatid at nakararamdam ng tunay na nangyayari sa buhay nila.
Napakasimple.
Paano maibabalik ang pagmamahalan kung ang asawa’y iresponsable, tamad at ayaw magtrabaho, nambubugbog, lasenggo, sugarol, babaero, drug addict, atbp.?
Mayorya ang tinig sa Kamara kaya, kailanman, ay hindi lulusot ang batas para sa diborsyo.
Samantala, patuloy na darami ang mag-asawang nagkakahiwalay na lamang bilang sibil at matinong paraan para manumbalik ang katahimikan sa isa’t isa.  Patuloy din ang pagdami ng bilang ng mga anak sa labas dahil ang karamihan sa nagkakahiwalay ay nagbubuo na rin ng bagong mga pamilya.
Ganoon ka simple ang buhay: muling masusunod ang ayaw ng simbahang Katolika at malalayo ang kalutasan sa buhay na hapis.

Bandera, Philippine News and opinion, 081110

Read more...