Sino ang huhusga kay ka Freddie?

SINO ang hindi makakaunawa sa tawag ng pag-ibig? Sino ang hindi makakaunawa sa pahayag na ang pag-ibig ay walang pagitan, walang pinipiling lahi, kulay, pagkakataon at edad?
The story of Freddie Aguilar and his 16-year old girlfriend is not the first May-December Affair to hit the headlines.
Celebrity man o hindi marami ang kuwentong ganito, at hindi yan mapapasubalian.
Ngunit may malaking pagkakaiba sa puntong ito. Ang babae, ay 16-anyos,  iyon ang malaking pagkakaiba sa kuwentong ito.
Sa paksang ito, ang punto de bistang panggagalingan nito ay mula sa isang magulang — ina — na nagkataong may anak din na 16-anyos na babae.
Bilang isang ina, bilang isang magulang, kasama sa pagmamahal natin sa ating mga anak ang gabayan sila sa kanilang buhay upang sa panahong sila na ang kailangang magpasya para sa kanilang sarili ay alam natin na pipiliin nila kung ano ang tuwid, tama at nararapat na may pagpapahalaga din sa kung ano ang kanilang ikaliligaya.
May mga pagkakataong ang tingin ko sa anak ko ay matanda kaysa sa kanyang edad. May mga panahon na ang tingin ko sa anak ko ay gaya pa rin ng dati – na siya ay pasalit na punong-puno ng kawalang-malay sa mga bagay na nasa kanyang paligid.
Kung paanong tatanggapin ng isang magulang na nasa wastong pag-iisip na ang kanyang anak para magpasya sa kanyang buhay pansarili lalo na sa usapin ng pag-ibig at sa kung anong edad niya tatanggapin iyon ay magkakaiba sa bawat magulang.
May panuntunan ang lipunan lalo pa’t may mga batas na nakapaloob dito.  Ngunit may reyalidad na kinakaharap ang bawat pamilya.  Sa dulo, ang sukatan at pamantayan ay nakasandig sa kanilang paniniwala at paninindigan. Kung ano ito, iyon ang kanilang ipakikipaglaban. Doon sila susukatin, doon sila mananagot.
Sinulat ko ito hindi manghusga. Hayaan na ang mga nakaaalam sa batas ang magsalita hinggil sa batas at kung kelan ito dapat ipatupad. Hayaan kumilos ang mga institusyon tungkol sa kwentong ito,  na muling pumukaw sa kamalayan ng sambayanang Pilipino. Oo, minsang pinukaw at nananatiling tatak na pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang mga awitin ni Freddie Aguilar, ngayon, muli niyang itinulak sa pagsusuri at sukdulan ng kamalayan, pang-unawa, paninindigan at paniniwala ang kanyang kapwa Pilipino. May papanig, may babatikos, yun kadugsong ng pag-amin ni Freddie.
Ngunit ako, hindi ako huhusga, hindi ako papanig, hindi ako kikiling sa alinmang panig maliban sa paninindigan ng isang magulang na ang 16-anyos na babae, lalo na sa panahong ito, anumang sirkumstansiya ay tunay na nangangailangan ng gabay at patnubay. Nauunawaan ko ang pag-ibig, ngunit naniniwala akong maraming magulang ang maninindigang tulad ko.

Read more...