OSANG ayaw nang mag-asawa: Naghanap ako ng tamang lalaki, pero wala talaga!

SINILIP namin si Rosanna Roces sa dressing room bago siya sumalang on her guesting sa bagong talk show ng ABS-CBN na Buzz ng Bayan hosted by former Homeboy host na si Kuya Boy Abunda at female hosts ng Sis na sina Janice de Belen at Carmina Villaroel.

Laking gulat namin na mas una pang bumati sa amin ang apo sa anak na si Grace kay Jolo Revilla na si Gab o Budoy para kay Osang. Super smile si Gab na nag-hi sa amin. Inisip namin na ganoon lang talaga kahusay ang PR ng bata tulad ng kanyang showbiz relatives.

But later on, nabanggit namin na kami ang unang nag-pictorial sa kanya for The Buzz magazine with his dad sa bahay ng lolo Bong Revilla niya sa Ayala, Alabang.

Maliit pa siya noon sabi namin na sinagot naman niya ng, “And payat ako noon,” with his singkit na smile. Nalokah kami kasi natatandaan pala niya ‘yun kaya nakilala niya kami at binati.

Wow ha, super sharp ang memory ng bagets. Matalino at Inglesero si Gab. Kaya naman super proud ang lola niyang si Osang, at happy na rin na binigay niya ang apo kay Jolo na pinag-aaral ang anak sa La Salle, Alabang.

Siguro may-I keep si Gab nu’ng magazine until now kaya hindi niya kami malimutan. Ha-hahaha! May picture kasi kami sa loob ng magazine na magkasama.

Anyway, after ng salang ni Osang sa Buzz ng Bayan na nagsimula noong Linggo, nabanggit niya na meron siyang indie film na ipinrodyus.

“‘Guro’, under RR Productions. Hati kami nu’ng gumawa ng ‘Presa.’ It’s about a teacher na hindi na siya nakapag-asawa. So talagang  nilaan niya ang panahon niya sa pagtuturo.

And it’s my way of…kung may kasalanan man ako na sinabi tungkol sa mga guro noon, bawi kumbaga. At hindi lang basta guro. Talagang ano ha, Sped teacher siya, mahirap ‘yun, ‘di ba? Nakita mo ‘yung bawi ko?

“Marunong din naman talaga ako. Alam ko importane alam mo kung saan ka nagkamali. Ayoko  kasi ‘pag tumanda ako na may dala-dala ako,” pahayag ni Osang.

For sure magugulat ang mga kritiko ni Osang at magtatanong kung saan niya kinuha ang perang pang-prodyus niya ng indie film.

“Meron naman. Two million lang naman ang ano ko, saka nagla-line produce naman ako dati. Kumbaga, ‘yung ‘yung last of the moment na ano, saka may mga property pa rin naman ako na pwede mong isanla na pwede ipang-produce.

Advocacy film naman ‘to, e. At ‘yung films like that, gawan mo ‘yan ng paraan. Plus, kapag sinabi mo sa isang ano at nagustuhan nila, ‘Uy, maganda ‘yan, ha,’ may contribution,” lahad niya.

Kasama raw sa indie film niya sina Anita Linda, Marita Zobel, Bembol Toco, Daria Amirez at Ina Feleo. “Big cast, ‘day! At hulaan mo saan ko ginawa? Doon kung saan ako lumaki, sa Malabon.

Mga kababata ko, ‘yung old school ko roon, lahat nakita ko,” excited na sabi ni Osang. Nahirapan man siya sa paggawa ng “Guro,” ang pinakamahirap pa rin para kay Osang nu’ng pinaubaya na niya ang favorite apo niya na si Gab sa pamilya ni Jolo.

“Ang hirap! ‘Yun bang pakawalan mo ang isang bagay na halos sa ‘yo lumabas. ‘Di ba galit na galit. Puro galit ako noon. Nakita mo ngayon hindi na. Natuto akong i-share ‘yung love.”

Si Grace raw ang humihiram kay Gab kay Jolo, “Minsan tatawagan ako noon,  ‘Ma tawag ka.’ ‘Ay, si Budoy,’ tatakbo na ako niyan. Kaya nakita mo, last week nagkita rin kami.

Tapos nag-promise siya, ‘Lola, Friday pa lang and’yan na ako.’ “Tapos babalik siya sa daddy niya. Natuto na rin akong magparaya. Sila naman ang mahalin ng bata.

Tutal pag laki naman niyan, ako pa rin, e. Kita mo ngayon, ako pa rin ang hinahanap,” pagmamalaki ni Osang.
Wala na raw problema kay Osang at kina Sen. Bong at  Cong. Lani Mercado.

“Kaya nga joke na lang sa akin ‘yung ganoon-ganoon. Pero syempre bilang ano, tandaan mo, we share the same bond. Lahat na lang nga dinadaan ko sa joke kasi ayokong maging seryoso.

Ayokong makihalo sa problema. Tama nang binigyan ko sila ng problema dati.” Nagbago na raw siya ngayon, “E, saka, kahit anong galit, pagbali-baligtarin mo man, sila pa rin ang nagbigay sa akin nito (kasunod ang matamis na tingin niya kay Gab).

Kung hindi sa kanila, wala ‘to.” Joke lang daw ‘yung sinabi niya na i-charge kay Bong ang danyos na babayaran daw niya sa kasong napanalunan ng GMA 7 laban sa kanya.

“Hindi nga, joke nga ‘di ba? Charge kay Bong! Parang restaurant lang nga ‘di ba? E, kasi hindi ko pa nga nakikita ‘yung papel. Alangan naman kay Jinggoy (Estrada), hindi ko naman siya kamag-anak, ‘yung ganoon.

Joke ko lang ‘yun. Wala akong ibang ibig ipakahulugan. Parang, ‘E, wala akong pera, siya marami. Pwede siya na lang i-charge ninyo?’ It’s not an insult actually.

Isa ako sa mga nagwo-worry, siyempre. As much as possible, ayaw mo namang bumilang sa mga taong nagmumura sa kanila!?”
Hanggang sa huling usap namin hindi pa raw niya nakikita ang papel mula sa korte regarding sa decision sa case niya against GMA.

“Yun na nga, hindi ko pa nakikita ‘yung papel. Kumalat agad sa news. Kapag andiyan na ‘yung papel, siyempre aapela ako. Isasabay ko na ‘yung declaration of nullity ng kasal ko para at least wala na akong problema kapag nagtayo ako ng business dito sa Manila,” esplika niya.

Magkagayunman, hindi pa rin daw siya nag-asawa ulit, “Pero ang tagal ko ring naghanap ng totoo at tamang pag-ibig. Pero, wala, wala talaga, e.”

( Photo credit to Google )

Read more...