Hardinero ng Bohol

Makikita ng masasama ang pagkamatay ng mga matuwid.  Nguni’t hindi nila mauunawaan na ito ang paraan ng pagliligtas ng Panginoon. —Karunungan ni Solomon 4:17

NAMATAYAN na nga, ginugutom pa.  Saan patungo ang mga ginugutom na nilindol sa Bohol, na ngayon ay nagkakasakit na dahil sa walang malinis na tubig na maiinom?

Sa ating nakalipas na editorial (Gagamitin ang nilindol, Okt. 17), ipinaliwanag natin na hindi nilikha ng Diyos ang kamakatayan at ang pagkasawi ng  alinmang buhay ay hindi Niya ikinalulugod (mula sa Karunungan ni Solomon 1:13).

Hindi sinisisi ng mga taga-Bohol ang Panginoon sa mga nasa ikalawang yugto na ng kanilang buhay.  Pero ang masakit na tila pananadya na ng gobyerno ng Ikalawang Aquino ay bakit sa ikatlong araw ng napakalakas na paglindol ay hindi pa rin nakararating ang ipinangakong tulong sa mga bayan ng Loon, Maribojoc, Antequera, Tubigon at Clarin?

Bukod sa taumbayan ay hinahanap din ng mga alkalde ang ipinangako ni Aquino na pagkain at tubig bago tumulak pa-Korea (Help is on the way, anang banner headline ng Philippine Daily Inquirer.  Ha!? Parating pa lang ang tulong?

Kailan?).  Bakit nauna pa si Bernadette Sembrano-Aguinaldo, ng “Sagip-Kapamilya” ng ABS-CBN na makarating, dala ang pagkain at tubig, kesa gobyerno, kesa Department of Social Welfare and Development?  Hindi naman taga-Bohol si Gng. Aguinaldo.  Aha.

Umarkila pala ng pump boat si Gng. Aguinaldo para makarating sa mga nangangailangan.  Hindi ba sumagi sa isipan ng gobyerno na dapat, at kailangan, ay umarkila na lang ng pump boat para makating ang tulong sa mga nangangailangan?

Hindi mangmang ang taumbayan para di nila masagot ang tanong na iyan.  Inamin ng rumespondeng MMDA officer na si Aldo Mayor na marahil ay nakapagligtas sila ng maraming buhay kung nakarating lang sila nang maaga.

Tsk, tsk, tsk.  At ang pinakamaklap, inamin ni  Mayor na naubusan sila ng pera para umarkila ng van at pump boat.  Iyan, mga mambabasa natin sa Bohol, ang gobyernong inyong binubuhay; ang siya palang papatay sa inyo.

Heto pa ang masakit.  Sinabi ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na “insensitibo” (manhid, walang pakiramdam, makapal ang mukha) ang Malacanang dahil ginamit na sangkalan ang mga nilindol sa Bohol para igiit na makatarungan ang pagpapalabas ng pondo ng DAP (Drilon, Abad, P-Noy daw).

“It is insensitive for the President and his pro-pork allies to use the sad plight of the quake victims in the Visayas in their drive to maintain the pork barrel system,” ani Colmenares.

Para kay lamyerda, makatarungan ang pagpapalabas ng DAP.  Pero, tinatalakay at inaalam pa nga sa Supreme Court kung tama ito o labag sa Saligang Batas.

Susme!  Hindi kailangan ang DAP nina Aquino at Florencio Abad (Abad politician, anang protesta sa Makati) para tugunan ang pangangailangan sa Bohol dahil nariyan ang P7.5 bilyon calamity fund, P1 bilyon discretionary fund at P6 bilyon presidential social fund, bukod pa sa gabundok na pera na makukuha sa Philippine Charity Sweepstakes Office at Philippine Gaming Corp.

Bukod dito, payag sina senador Ralph Recto, Jinggoy Estrada at JV Ejercito na gamitin sa Bohol at iba pang kalamidad ang di nagamit na pork barrel sa Senado na tumataginting na P1 bilyon.

Napakaraming pera ng mga politiko, pera ni singkong duling ay wala sa Bohol. Sa video message na ipinadala ni Pope Francis sa First Philippine Conference on New Evangelization, hiniling niya sa mga Katoliko na dalhin, hindi isama, si Jesus sa politika, negosyo at social media: “Bring Jesus now into the world of politics, business, arts, science, technology and social media.

Let the Holy Spirit renew the creation and bring forth justice and peace in the Philippines… that is close to my heart.”  Kailanman ay hindi pinabayaan ni Jesus ang Bohol.

Luntian ang Bohol dahil si Jesus ang nagsilbing hardinero nito.  Dinilig niya ang bawat lupa nito kaya’t sagana ang isla sa hamog.

Ang hamog ni Jesus ang grasya para yumabong ang tanim, ang luntian ng Bohol at dayuhin ito ng ating mga kababayan at dayuhang turista.

Diniligan ni Jesus ang Bohol para ito’y maging sariwa at luntian.  Masdan ang bawat dahon, ang mga ilog, ang mga dalampasigan at karagatan sa Bohol.  Green, anang Kano.

Iyan ay dahil hindi pinabayaan ng Panginoon ang Bohol.  Isang hikain mula sa Makati ang nagbakasyon sa Loon ng sanlinggo.  Hindi na  niya ininom ang kanyang baon na halos kalahating palad na gamot na inireseta ng chest physician at pulmonogist sa Makati Medical Center sa unang araw sa Loon.

Pinagaling siya ng Panginoon dahil sa natatanging grasya ng malinis at sariwang hangin. Ang Bohol ay hindi iniwan ng Panginoon.  Iniwan ito ng gobyerno.

Iniligtas ng Panginoon ang mga namayapa dahil sila’y nasa kandungan na Niya.  Hindi ng mauunawaan ni Aquino ang pagliligtas ng Panginoon.

Magdasal ka rin, kaibigan, kay Nuestra Senora De la Paz y Buen Viaje para akayin ka sa ligtas at tamang paglalakbay sa mundo.

Ang buhay natin ay lumilipas na parang anino.  Ang araw ng pagkamatay ay hindi maiiwasan.  Nakatakda na iyon at wala nang makapagbabago. —Karunungan ni Solomon 2:5

Read more...