LIBU-libong mga kabahayan ang winasak ng lindol sa Bohol. Nauna rito, higit sa tatlong libong bahay ang totally damaged naman dahil sa bagyo sa Nueva Ecija, at Tarlac sa Central Luzon. Doon naman sa gera sa Zamboanga City, wala nang babalikang bahay ang mahigit 10,000 pamilya.
Bilyun-bilyong piso ang gagastusin ng pamahalaan para makabangon ang naturang mga lugar.
Sabi ni Presidential spokesman Edwin Lacierda, dito napakikinabangan ang DAP (Disbursement Acceleration Program ) ng
Aquino administration na umano’y “savings” at “unprogrammed funds” na inire-realign upang palakasin ang ekonomya.
Ginamit daw ito sa P10.53 bilyon para sa mga biktima ng Supertyphoon Pablo sa Compostela Valley, Davao del Sur at iba pang lugar sa Mindanao.
Pero dahil nabandera nga ang kontrobersyal na DAP sa ngayon, kinuha ng Malakanyang ang P3.89B para sa Zamboanga mula sa 2013 calamity fund at 2013 contingent fund.
Pero, ang salita ni Lacierda ay may himig pang banta sa Korte Suprema sa pagsasabing kapag nag-isyu sila ng TRO sa DAP, matitigil din ang pondong tutulong sa mga nasalanta ng bagyo, gera at lindol. Pahayag na para bang wala nang perang pagkukunan ang gobyerno para sa mga ganitong trahedya, at pahayag na parang nagsasabing “bahala kayo, wala tayong ipangtutulong sa mga nasalanta….”
Ayon kay Bayan muna Rep. Neri Colmenares, ang Presidential pork barrel ni PNoy noong 2012 ay P352 bilyon, hindi pa kasama rito ang P153 bilyon na Malampaya Fund na nilustay din noong Arroyo administration.
Sa totoo lang, napakaraming pera ng gobyerno ngayon at talaga namang lumalangoy sila sa mga bilyong pisong bonuses, at naglalakihang mga sweldo. At lahat ng yan ay dahil sa sobrang laki ng buwis na binabayaran natin.
Pero, sabi ni Budget sec. Butch Abad, kailangan daw gastusin lahat para daw umunlad ang ating bansa at ito ngang DAP ang naisip nilang paraan.
Kasama ba sa paggastos ng DAP ang nabulgar na panunuhol sa mga senador noong botohan ng Corona impeachment? Kasama ba sa paggastos ang pagbayad sa aregluhan ng utang na P6 bilyon real property taxes ng isang multinational power company na may-ari ng Pagbilao power plant na umabot pa ring P850 milyon sa gobyerno at P400 milyon lang sa kumpanya?
Itong “savings” o “unprogrammed budget” taun-taon ng gobyerno ay totoong nakaka-adik talaga sa mga presidente. Ang corrupt na rehimen ni GMA ay palaging “reenacted budget” ang estilo para nagagalaw nila ang naturang pondo at mistulang personal wallet nito.
Ito namang administrasyon ng daang matuwid ay palaging aprubado ang budget pero, iniipon pala ang lahat ng savings para ilagay sa inimbento nilang DAP. Baluktot na daan at tuwid na daan , pare-pareho sila.
Kaso, ang Aquino administration ay nahaharap sa kwestyon kung legal ang DAP, na ayon sa mga constitutional experts at juggling of funds na di aprubado ng Kongreso at tuwirang lumalabag sa Konstitusyon. Ika nga, impeachable offense ito.
Pero, ngayon parang ginagawang “necessary evil’ ng Palasyo ang DAP ngayong sunud-sunod ang trahedya ng bansa at eto nga, pati Korte Suprema ay parang binabalaan na huwag mag-isyu ng TRO dahil kawawa ang mga nasalanta.
Sayang itong si Presidential spokesperson Edwin Lacierda, abugado pa naman na dapat nakakaintindi ng batas. Siguro habang naka-pending ang usapin sa legalidad ng TRO, hinayaan niya ang Solicitor General na magsalita dito sa DAP.
Pero iyong gamitin mo pa ang hirap na dinadanas ng mga nilindol sa Cebu at Bohol, mga binagyo sa Nueva Ecija at Tarlac pati na iyong nagera sa Zamboanga sa pahapyaw niyang pamba-blackmail sa Korte Suprema, nakakainsulto na talaga. Nasisira tuloy ang magandang imahe ni Pnoy sa mga tao kapg ganito ng ganito.