TODO depensa ang Malacañang sa pagsama ni Senate President Franklin Drilon sa state visit ni Pangulong Aquino sa South Korea.
Noong Huwebes hindi pa maipaliwanag ng mga tagapagsalita ng Palasyo kung bakit kasama si Drilon sa biyahe bagamat inamin ni Secretary Lacierda na hindi normal na may kasamang lider ng Kongreso sa mga pagbisita ni PNoy sa iba’t ibang bansa.
Nitong Biyernes lang nakagawa ng dahilan ang Palasyo kung bakit kasama si Drilo. Ayon kay Usec. Abigail Valte, type ni Drilon na sumama kasi gusto niyang personal na pasalamatan ang Korea para sa proyektong pinondohan nito sa Ilo-
ilo, na probinsiya ni Drilon.
Yun na yun? Rason na yun?
Ang babaw naman nang naging dahilan ng Palasyo. Pero alam naman natin ang totoong dahilan kung bakit bitbit nitong si PNoy si Drilon, hindi ba? Isang araw kasi bago tumulak si Drilon kasama ni PNoy sa South Korea, napilitan itong lider ng Senado na pirmahan ang subpoena para sa tinaguriang reyna ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Hindi ba noong una ay talagang todo-tanggi itong si Drilon na pirmahan ang subpoena, at humingi pa nga ng saklolo sa Ombudsman. Kaya inabot siya ng samu’t saring pagbatikos hindi lamang sa mga pahayagan, radyo at telebisyon kundi higit sa social media. Pumalag din ang mga senador sa desisyon ni Drilon kaya’t matapos ang pagmamatigas nito, hayun kahit mapait sa kalooban ay napilitan siyang pirmahan ang subpoena. Kaya haharap na si Napoles sa darating na linggo sa blue ribbon committee para “kumanta” (kung kakanta nga siya).
Usap-usapan noon ng mga ordinaryong tao kung ano ba ang ikinatatakot ni Drilon at ayaw niyang paharapin sa Senado itong si Napoles. Hindi ba’t may larawan kasi sila na magkasama ni Napoles? Komento nga ng nag-uusap na drayber at pasahero, nag-aalala ba si Drilon na malaman ng publiko kung gaano sila ka-close ni Napoles?
Nakabalik na si Drilon kasama ni PNoy mula sa South Korea at napagpayuhan na rin siya hinggil sa magiging galaw sa Senado. Abangan na lang natin ang susunod na mangyayari.
Ipinagmalaki ni Secretary Lacierda na maraming pera ang gobyerno para matugunan ang pangangailangan ng mga nasalanta ng malakas na lindol sa Bohol at Cebu. Ito’y sa harap rin ng mga batikos na dapat ay ginamit na lamang ni PNoy ang P12 milyong ginugol sa kanyang state visit sa South Korea para sa mga biktima ng lindol.
Ayon pa kay Lacierda, maraming savings ang gobyerno para maibangon ang dalawang lalawigan. Hindi nga lang niya tinukoy kung ang mga pondong sinasabi niya ay mula sa kontrobersiyal na DAP o Disbursement Acceleration Program o mga naipong pondo ng pamahalaan.
Kalunos-lunos ang mga eksenang ipinapakita hinggil sa mga biktima ng lindol. Bukod sa nawalan na ng mga mahal sa buhay at mga ari-arian, problema nila ang pagkain sa araw-araw.
Inatasan na ni PNoy sina Lacierda, Secretary Mar Roxas at Secretary Dinky Soliman na pumunta sa Bohol para mabigyan ng ayuda ang mga kawawa nating mga kababayan, dapat ay siguruhin ng mga opisyal na maaabot ang lahat ng mga nangangailangan ng tulong lalo na sa mga lugar na sinasabing naging isolated na dahil sa nangyaring lindol.
Ngayon ang panahon na kailangan ng mga mamamayan ng Bohol ang pagkalinga ng gobyerno. Kung totoong napakaraming pera ng gobyerno, dapat ay ibuhos ng husto ng pamahalaan ang tulong para sa mga apektadong lugar.
Kapansin-pansin na sa pagbisita ni PNoy sa Bohol, ay naroon sa likuran at matamang nakikinig si Bohol Rep. Arthur Yap na kilalang kaalyado ni GMA. Sa panahon ng kalamidad, tama lamang na isantabi muna ang pulitika at bigyan ng tulong ang lahat ng nangangailangan. Lahat ng tulong ng pambansang gobyerno ay kailangan ngayon ng Bohol para makabangon muli mula sa trahedyang dulot ng 7.2 magnitude na lindol.
Para sa komento at tanong, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.