LUIS suko na, na-bad trip sa ugali JENNYLYN


Napakamaginoo ni Luis Manzano, siya ang mas nakababatang bersiyon ng maginoo ring si Derek Ramsay, hindi sila ang tipo ng mga lalaking unang magsasalita tungkol sa pagkawasak ng kanilang pakikipagrelasyon.

Medyo nakauusad na ngayon mula sa paghihiwalay nila ni Cristine Reyes si Derek, pero si Luis ay hindi pa, kailan lang kasi sila naghiwalay ni Jennylyn Mercado.

Marami nang nagtangkang magtanong kay Lucky kung ano ang mga naging dahilan ng break-up nila ni Jennylyn, pero bigo ang lahat, pagdating sa kanyang lovelife ay pribado ang guwapong aktor-TV host.

Ayaw niyang sa kanya unang manggaling ang dahilan, hindi rin siya magbibigay ng detalye kung bakit nasira ang dalawang taon na sana nilang relasyon ni Jen, nananatili ang pagiging maginoo ng panganay na anak ng Star For All Seasons mula nu’n hanggang ngayon.

Pero dahil ayaw niyang magsalita ay maraming haka-haka ang naglalabasan tungkol sa kanilang break-up. Kesyo nahuli raw kasi ni Luis na nakikipagkita pa rin si Jen kay Dennis Trillo na dating karelasyon nito.

Masyadong mabenta si Dennis, palaging nasasangkot ang pangalan ng aktor sa mga hiwalayan, ganyan din kasi ang umikot na kuwento nang maghiwalay sina Derek at Cristine.

May mga nagpapalagay naman na hindi rin tumagal si Luis sa kakaibang ugali ni Jen, kalat na kalat na kasi na may sariling mundo ang aktres, napakayaman daw sa pagiging sumpungera ni Jen na ikinaiinis ng kanyang mga nakakarelasyon.

Mas gusto naming maniwala sa ikalawang bersiyon. Dati na kasing reklamo ‘yun ng mga nakakarelasyon ni Jen, mahirap daw pakibagayan ang kanyang ugali na kung minsan ay maayos ang kanyang mood, pero kadalasan ay may sarili itong mundo.

Kung anuman ang naging dahilan ng kanilang hiwalayan ay may isang mahalagang punto. Sayang ang halos dalawang taon na nilang relasyon, bibihira na lang ngayon ang tumatagal na samahan ng mga artista, kaya sayang na sayang ang pinagsamahan nina Luis at Jennylyn.

( Photo credit to Google )

Read more...