Target ni Tulfo by Mon Tulfo
DAPAT ay paimbestigahan ni Justice Secretary Leila de Lima si Paranaque Asst. Prosecutor Renato L. Garcia dahil sa pagtanggap niya ng kasong rape na gawa-gawa lamang.
Pinadalhan ng subpoena nitong si Garcia ang mayamang negosyante na si Johnny Cruz (di niya tunay na pangalan) na taga-Makati City.
Ang complainant ay 15-anyos na babae na tumutugon sa pangalang Rowena Santos at kanyang ina na si Catherine.
Kinabahan si Cruz dahil wala naman siyang kakilalang Rowena Santos at wala siyang kinalantari na babae na tumutugon sa ganoong pangalan.
May pagkababaero itong si Cruz (sino bang hindi?), pero di siya pumapatol sa bata.
Mabuti na lang at kinuha niyang abogado si Nelson Borja.
Si Borja ay ace investigator ng nalansag na Philippine Constabulary Metropolitan Command (Metrocom) bago siya naging abogado.
Sa halip na mag-file ng counter-affidavit para sa kanyang kliyente, nag-imbestiga muna si Borja.
Pumunta siya sa Paranaque police station kung saan diumano ay isinampa ni Rowena Santos at ng kanyang magulang ang reklamong rape.
Pinuntahan din ni Borja ang Paranaque Community Hospital na diumano’y nag-isyu ng medico-legal report na si Rowena ay naging biktima ng panggagahasa.
Alam ba ninyo kung anong natuklasan ni Borja?
Walang P/Insp. Annabelle Miranda at PO2 Allan Dimagiba na diumano’y kumuha ng statement ng batang si Rowena.
Non-existent ang mga pangalang Annabelle Miranda at Allan Dimagiba sa Paranaque police.
Wala ring medico-legal report na inisyu ng Paranaque Community Hospital sa isang babaeng tumutugon sa pangalang Rowena Santos.
Siyempre, napahiya si Piskal Garcia, pati na ang kanyang boss na si City Prosecutor Joaquin Escobar, dahil sa natuklasan ni Borja.
At dahil dito ay dinismis ni Garcia ang rape complaint laban kay Cruz.
Oops, not so fast, Garcia!
Sino ang kasabwat mo rito sa pag-frame up sa mayamang negosyante na si Cruz?
Maaaring kasama mo rin dito ang iyong boss na si Escobar.
Dapat ay imbestigahan kayong mabuti at kapag napatunayang gawa-gawa lang ninyo ng iyong boss ang rape complaint, dapat ay patalsikin kayo sa serbisyo.
* * *
Di ako nagtataka sa kasong frame-up na ginawa laban sa mayamang negosyante.
Gawain ng mga piskal ang tumanggap ng mga kasong gawa-gawa lang.
Ilang beses nabiktima ang inyong lingkod sa mga kasong isinampa laban sa akin na gawa-gawa lamang.
Gaya na lang ng kasong extortion o pangingikil na isinampa sa akin ng isang janitor na taga-Bureau of Customs.
Alam naman ng piskal na humawak ng kaso na imposible kong kikilan ang isang janitor ng P1,000.
Sa totoo lang at walang halong paghahambog, ang halagang yan ay pang-tip ko lang sa GRO o sa waiter kapag malaki ang aking bill sa restaurant. Ganoon ako mag-tip sa mga waiters dahil may mga restaurants din ang inyong lingkod. Gusto kong bigyan din ng mga customers ang aking mga waiters at waitresses ng malalaking tip para sila kumita.
Pero isinampa rin ang kasong extortion laban sa akin dahil ang may utos daw ay Malakanyang.
* * *
Isa pang kasong pangingikil ay isinampa rin sa akin ng—of all people!— aking kaibigan na si Col. Joey Yuchongco, chief ng customs police.
Sa kanyang affidavit sinabi ni Yuchongco, na aking close friend mula pa noong 1980s, na tinakot ko raw siya at binakalan ng camera na nagkakahalaga ng P300,000.
Mabuti naman at nakinig ang piskal na humawak ng kaso na imposible kong bakalan ng P300,000 si Joey Yuchongco na isang colonel ng customs police at kaibigan ko pang matalik.
At yung sinasabing P300,000 na camera na sinabi ni Joey na gagamitin ko sa aking programang “Isumbong mo kay Tulfo” sa RPN 9, nakakatawa dahil lahat ng mga camera na ginamit ko noon ay nagkakahalaga ng P1.5 million bawat isa.
Ang camera na P300,000 ay pang-amateur, pero ang ginagamit kong camera sa aking TV show ay pang-professional at TV quality.
Again, si Mike Arroyo, na nagalit sa akin, ang may utos kay Joey.
Pinatawad ko na si Joey.
Bandera, Philippine News at opinion, 072910