Shaina kay Piolo: Ideal man, ang gwapo-gwapo at mabait!

Shaina Magdayao at Piolo Pascual

TINANONG si Shaina Magdayao, isa sa cast ng bagong teleserye ng ABS-CBN na You’re My Home sa sinabi raw ni Piolo Pascual na kung bibigyan ng pagkakataong ma-in love ulit siya ay ang tipo niya ang gusto ng aktor.

Bagama’t ayaw maniwala ni Shaina na sinabi ito ng aktor ay nagpapasalamat pa rin siya dahil, “Baka may nakita siyang mabuti sa akin para ma-appreciate niya ng ganu’n. Nagpapasalamat tayo na na-appreciate tayo ng mga taong nakapaligid sa atin.”

Sinundot pa ito na hindi kaya it’s the other way around, baka type rin niya si Piolo?

“Ay hindi, kasi si Papa P, ideal man ‘yan ng lahat, ang guwapo, di ba? Ang bait-bait, wala ka namang marereklamo sa kanya, kung bakit hindi naman, di ba po. Pero siyempre, malayung-malayo pa tayo ro’n,” katwiran ng aktres.

May problema ba sa age gap si Shaina in terms of lovelife? “Hindi po siguro magi-ging isyu ‘yan sa akin, like I said this is the first time na ipinagdadasal ko sa buhay ko na sana huwag munang duma-ting, I mean hindi naman natin mapipigilan kapag umibig tayo, di ba, ‘yun na ‘yun, eh.

“Hindi mo mapipigilan ang sarili mo sa wonderful thing na umibig muli, but I’m praying na sana huwag muna kasi napakaraming trabahong dumarating sa akin ngayon.

“Gusto ko munang pahalagahan iyon at unexpected ang trabaho ko na after JDC (Juan dela Cruz) ay mayroon ng You’re My Home, parang kung iisipin mo, maraming walang trabaho tapos ako pa ‘yung napili, so, gusto ko po sanang pahalagahan ‘yun,” paliwanag ni Shaina.

Sa madaling salita, hindi pa siya handang umibig muli, “Opo, hindi pa, mararamdaman naman natin ‘yun, pero sana huwag muna,” saad ng aktres.

May chance ba kung sakaling manligaw si Piolo, “Hindi naman po natin masasabi ‘yun hangga’t hindi nangyayari, mahirap naman, at saka ayokong mag-assume kung anuman ‘yung ibinibigay niyang friendship sa akin. Ayokong bigyan ng kulay, kasi ‘yung mga tao mas excited pa na makikita kami in a relationship,” nakangiting paliwanag ng dalaga.

Sinabi namin na paanong hindi mabibigyan ng malisya ang samahan nila ng aktor e, madalas silang nakikitang magka-holding hands, “Alam ninyo, ito lang ‘yun, sweet talaga kasi si Papa P at the same time sobra talaga kasi siyang gentleman.

“Kaya niya nagagawa sa akin iyon kasi kumportable ako sa kanya, I’ve worked with him and ‘yung trust nandoon na kasi bata palang ako naka-trabaho ko na siya. ‘Yung Lobo palang, 18 years old pa lang ako, nakatrabaho ko na siya and walang isang beses man lang o wala akong ma-recall na isang beses na feeling ko nabastos ako o nag-take advantage siya.

“So the trust is always there, the more na mas lumalalim kasi nga nakagawa kami ng ‘On The Job’ na kinaila-ngan kong mapagkatiwalaan ang leading man ko at that time and not in any way din na naramdaman ko na nag-take advantage si Papa P, so mas malalim ‘yung friendship, mas lumalim ang trust,” paliwanag mabuti ni Shaina.

Tinanong namin kung nakadalaw na si Piolo sa bahay nila, “Hindi pa ate, hindi. Walang ganu’n,” mabilis na sagot sa amin.
Samantala, how true na nag-give way si Sam Milby kay Piolo sa panliligaw sa kanya, “Ay tanong n’yo si Jessy Mendiola, kasi naman, ayokong makisali po sa picture. Alam naman nating may nililigawan siya (Sam), ‘yun ang last I heard. Huwag na tayong makisali, kayo talaga,” tumatawang sagot ng dalaga.

 

Read more...