Andrea Aguilera ng Ecuador waging Miss Supranational 2023; Pauline Amelinckx ng Pilipinas first runner-up

Andrea Aguilera ng Ecuador waging Miss Supranational 2023; Pauline Amelinckx ng Pilipinas first runner-up

Miss Supranational Andrea Aguilera mula Ecuador/MISS SUPRANATIONAL FACEBOOK PHOTO

KINORONAHAN bilang Miss Supranational 2023 si Andrea Aguilera mula Ecuador sa patimpalak na itinanghal sa Strzelecki Park Amphitheater sa Nowy Sacz, Poland, noong Hulyo 14 (Hulyo 15 sa Maynila).

Dinaig niya ang 64 iba pang kalahok upang manahin ang titulo mula sa nagwagi noong isang taon, si Lalela Mswane, ang unang reyna ng Miss Supranational mula South Africa.

Nagtapos naman bilang first runner-up ang pambato ng Pilipinas na si Pauline Amelinckx, habang second runner-up si Sancler Frantz mula Brazil.

Hinirang bilang third runner-up si Emma Rose Collingridge mula sa United Kingdom, habang binuo ni Ngan Dang Thanh mula Vietnam ang Top 5 bilang fourth runner-up.

Nagtalaga rin ang Miss Supranational pageant ng continental ambassadors, ang mga pinakamataas ang puwesto kada rehiyon na hindi nakapasok sa final five—sina Sakhile Dube ng Zimbabwe para sa Africa, Pragnya Ayyagari ng India para sa Asya, Valeria Florez ng Peru para sa Americas, Andreina Pereira ng Curacao para sa Caribbean, at Michelle Lopez Desoisa ng Gibraltar para sa Europa.

Baka Bet Mo: Pauline Amelinckx pasok na naman sa isa pang online contest ng 2023 Miss Supranational pageant

Kinoronahan si Amelinckx bilang 2023 Miss Supranational Philippines makaraang magtapos sa Top 3 ng Miss Universe Philippines pageant nitong Mayo. Tatlong ulit siyang sumali sa pambansang patimpalak bago nasungkit ang titulo niya.

Naghahanap ang Miss Supranational pageant ng mga babaeng “aspirational” at “inspirational,” na magsisilbing brand ambassador para sa pandaigdigang patimpalak sa buong mundo.

Ang una at natatanging Pilipinang hinirang bilang Miss Supranational ay si Binibining Pilipinas Mutya Johanna Datul, na kinoronahan 10 taon na ang nakalilipas sa ikalimang edisyon ng patimpalak noong 2013.

Dahil sa pagtatapos ni Amelinckx sa ikalawang puwesto, naipagpatuloy niya ang placement streak ng Pilipinas sa 11 na magkakasunod na edisyon. Nagsimula ito noong 2012 nang hiranging third runner-up si Ellaine Kay Moll sa ikaapat na edisyon ng Miss Supranational pageant. Ika-14 edisyon ng patimpalak pa lang ang itinanghal ngayong taon. Walang isinagawang kumpetisyon noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.

Related Chika:
Pauline Amelinckx pasok sa ‘Suprachat’ Top 10 ng 2023 Miss Supranational pageant

Miss Supranational 2023 Pauline Amelinckx sinupalpal ang mga basher na nagpapanggap na pageant fans, Catriona Gray nag-react

Read more...