Sa wakas…Pauline Amelinckx nakapagsuot na ng sash na ‘Philippines’ para sa 2023 Miss Supranational; tuloy ang laban kontra body shaming
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Pauline Amelinckx
NAKAPAGSUOT na, sa wakas, si Pauline Amelinckx ng sash na may nakalagay na “Philippines,” makaraan ang ilang pagtatangka na maging representative ng bansa sa isang international pageant.
Ipinakita niya ang bago niyang sash sa opening ceremony ng 2023 Miss Supranational pageant sa Czarny Potok Resort and Spa sa Malopolska, Poland, noong Hunyo 27 (Hunyo 28 sa Maynila).
“Mabuhay and maajung gabii. I am Pauline Cucharo Amelinckx, proudly representing the beautiful archipelago of the Philippines,” ang pagpapakilala ng Belgian-Filipino model at host mula Bohol suot ang mahabang hot pink na gown na may mahabang manggas, extended shoulder pads, at peek-a-boo cutouts sa bahagi ng bewang niya.
“I am a self-love advocate. I have experienced and I’m still constantly overcoming body shaming. But that didn’t stop me from finally being able to represent the Philippines.
“And now I stand here tall and proud with a message for all of you – regardless of external voices, you’re always enough, and you’re always worthy of love. Daghang salamat,” pagpapatuloy niya.
Naging mahaba at masalimuot ang paglalakbay ni Amelinckx upang maging kinatawan ng Pilipinas sa isang international pageant. Kinatawan niya ang Bohol sa ika-50 anibersaryo ng Mutya ng Pilipinas pageant noong 2018, at nasungkit ang isang titulong magdadala sana sa kanya sa isang international pageant.
Siya sana ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa 2019 Global Beauty Queen pageant, ngunit hininto na ng organizer sa Korea ang kumpetisyon, at tinapos niya ang pagrereyna niya bilang Mutya nang hindi man lang nakasasabak sa isang patimpalak sa ibayong-dagat.
Noong 2020, sumali siya sa Miss Universe Philippines pageant, sa unang edisyon ng hiwalay na pambansang patimpalak para sa kinatawan ng bansa sa Miss Universe pageant, at nagtapos bilang third runner-up.
Nagbalik siya upang muling tangkaing masungkit ang korona noong 2022, at muntik na rin niya itong nakuha. Nagtapos siyang mas mataas sa una niyang nakamit at hinirang bilang Miss Universe Philippines-Charity.
Sumabak si Amelinckx sa huli niyang pag-asinta sa pambansang titulo ngayong taon, at itinuring na isa sa pinakamalalakas na kandidata.
Humakot siya ng special awards sa preliminary competition, ngunit muling nabigong makuha ang pangunahing titulong Miss Universe Philippines. Ang kapwa niya nagbabalik na kandidata at dating Miss World Philippines na si Michelle Dee ang tumanggap ng korona.
Nagbigay naman ng mga karagdagang titulo ang organizers makaraan ang pagtatanghal ng pambansang patimpalak, at hinirang si Amelinckx bilang Miss Supranational Philippines sa isang hiwalay na programa, Kinoronahan naman ang kapwa niya nasa Top 3 na si Krishnah Gravidez bilang Miss Charm Philippines.
Tatangkain ngayon ni Amelinckx na maibigay sa Pilipinas ang ikalawa nitong panalo sa Miss Supranational pageant, 10 taon mula nang hirangin si Mutya Johanna Datul bilang unang Pilipinang reyna noong 2013.
Itatanghal ang 2023 Miss Supranational final competition sa Strzelecki Park Amphitheater sa Nowy Sacz, Poland, sa Hulyo 14 (Hulyo 15 sa Maynila). Animnapu’t walong kandidata ang nagtatagisan para sa titulong kasalukuyang taglay ni Lalela Mswane, ang unang reyna mula South Africa.