ISA pala sa mga kinu-consider ni Sarah Geronimo na biggest challenge sa 10 taon niya sa showbiz industry ay ang pagiging coach/mentor sa reality singing search na The Voice of the Philippines ng ABS-CBN.
“Biggest challenge recently ‘yung sa The Voice kasi may mga bashers na nagsasabi na, ‘Hindi siya credible, wala namang sense ‘yung sinasabi niya.’ Tapos maarte daw ako masyado lalo sa blind auditions kasi hindi ako ganon ka-frequent umikot sa mga auditionees,” pag-amin ng Pop Princess.
“Pero tinanggap ko ‘to eh, kailangan pangatawanan ko ‘yung trabaho at ‘yung task na binigay sa akin. Dapat mabigyan ko talaga siya ng hard work, dedication at sincerity.
“Talagang tinapos ko, sabi ko this is not about me, hindi naman ako ‘yun eh so what kung i-bash nila ako, ‘yung artists ko ‘yun eh, ‘yung team ko, so talagang nag-concentrate na lang ako sa kanila at ‘yun natapos ko naman,” patuloy pa ng singer-TV host-actress.
Nilinaw din ni Sarah na hindi siya nagalit o nabwisit nang hindi manalo ang alaga niyang si Klarisse de Guzman sa The Voice kung saan nga itinanghal na champion si Mitoy Yonting, pero aniya si Klarisse pa rin ang tunay na winner para sa kanya.
“Sobra-sobrang proud ako sa team ko especially kay Klarisse. Talagang sa puso ng maraming tao talagang siya ‘yung panalo. Of course I’m happy for Mitoy, The Voice, pero lahat naman sila panalo at proud ako kay Klarisse kasi napakagaling niyang bata at napaka-humble niya,” chika pa ni Sarah.
Dagdag niya, “Siyempre may lungkot, di ba? Kasi ‘yun ‘yung the best na artist mo sa team mo. Siguro part talaga ng competition na meron mananalo, meron matatalo pero sa puso ko siya ‘yung panalo talaga.
“Pero lagi kung sinasabi na hindi ako bitter, masaya siyempre ako kay Mitoy, siyempre pangarap ni Mitoy natupad at God’s will ‘yun, ‘yun naman po ang pinagdadasal ko palagi ano ‘yung will ng Diyos.
There’s a reason for everything na hindi si Klarisse nanalo,” paglilinaw pa ng singer. Kasabay nito, pumayag na rin si Sarah na maging judge/mentor uli sa season 2 ng The Voice, “Yes, opo nag-yes na po kami for the second season.
Nung una, ayaw ko kasi traumang-trauma na ako eh pero sabi ko, si Ms. Lea (Salonga) nag-yes na rin. “Masarap sa pakiramdam na nagiging bahagi ka ng pagtupad ng pangarap ng ibang tao, ng aspiring singers, and in a way nakakatulong ka na din kung ano man ‘yung naibigay mo, naisha-share mo sa mga tao, so masarap, so sabi ko yes, opo,” sey pa ng dalaga.
Samantala, todo na ang paghahanda ni Sarah sa nalalapit niyang major anniversary concert sa Araneta Coliseum sa darating na Nov. 15, ang “Perfect 10”.
At in fairness ha, hindi pa nga ito nangyayari, meron na agad itong naka-schedule na repeat sa Nov. 30. Ibig sabihin, ganyan pa rin kabongga ang career ni Sarah G., as in hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang suporta sa kanya ng kanyang fans.
Ten years na ang Pop Princess sa industriya pero tinatao pa rin ang kanyang mga concerts – pati na rin ang kanyang mga pelikula.
Sa pagkakaalam namin, ang huling pelikula nila ni John Lloyd Cruz na “It Takes A Man And A Woman” ang pinaka-hit sa lahat ng local movies na ipinalabas ngayong taon.
Para sa lahat ng mga Popsters na nagtatanong, ang immediate repeat ng “Perfect 10” concert ni Sarah ay sa Nov. 30 na sa SM MOA Arena. Ito’y para na rin sa mga fans ni Sarah na magmumula pa sa South.
Ayon mismo sa manager ni Sarah na si Boss Vic del Rosario, naunang naubos ang ticket sa Patron Section ng Nov. 15 concert ng Pop Princess. “Usually talaga, Patron ang nauubos.
Mayayaman ang fans ni Sarah,” natatawang chika naman ni Boss Vic ng Viva. Kaya bago kayo maubusan uli ng ticket, tawag na sa Ticketnet, 911-5555, sa SM Tickets, 470-2222 at sa Viva Concerts, 687-7236.
Samantala, talagang kahit anong gawing pamimilit ng entertainment press kay Sarah G., ay ayaw talaga nitong magsalita tungkol sa relasyon nila ni Matteo Guidicelli, “Pasensiya na po talaga, nag-promise po kasi ako sa sarili ko na hindi na po ako magsasalita tungkol diyan, sabi ko nga, yung mga ganitong bagay, sana private na lang, para wala na lang issue.
“Pero lagi ko ngang sinasabi, hindi naman forever ko itong itatago, pero hindi rin naman kailangang i-broadcast pa, na in love ako, or broken-hearted ako, sinaktan niya ako, niloko niya ako.
For the past 10 years kasi ganu’n na yung nangyari sa akin, so ‘yun ang iniiwasan ako,” paliwanag ni Sarah. Naku, baka naman kaya ganyan, e, kinikilatis pa rin ni Mommy Divine si Matteo! Ha-hahaha! Siyempre, mahirap na nga namang umiyak na naman si Sarah dahil sa pag-ibig.
Aba, karapatan naman ng nanay ni Sarah na gawin ang lahat para masigurong ang tamang lalaki ang makakarelasyon ng kanyang anak. Agree?
( Photo credit to Google )