OO nga naman. Bakit hindi kasuhan ng murder ang reckless driver na pumatay sa kanyang nasagasaan, nabangga, nahagip, nadagil, nagulungan o napisak, sanhi para mamatay ang biktima, o mga biktima? At dahil murder ang kaso niya, di siya makapagpipiyansa at sa malamang ay di rin siya diringgin kahit na magsampa siya ng petition for bail. At dahil sa matibay ang ebidensiya laban sa reckless driver, at di na rin maibabalik ang buhay na kanyang pinatay, mahahatulan siya ng mahaba-habang panahon sa bilangguan at ibibiyahe pa sa National Bilibid Prisons para bunuin ang hatol.
Imposible?
Hindi imposible. Dahil nangyari na ito. Dahil iginawad na rin ito ng mababang korte at kinatigan ng mataas na korte. Noong ’90s, itinaas ni Caloocan Regional Trial Court Judge Adoracion G. Angeles ang kasong reckless imprudence resulting in homicide sa murder ang kaso laban sa bus driver na nakapatay ng grade school pupil sa EDSA, sa tapat ng MCU, alas-6 ng umaga, na buong sambayanan ang nakakita.
Hindi mahirap patunayan “beyond reasonable doubt” ang kasalanan ng driver dahil, ayon sa santambak na mga testigo, pagkatapos magulungan ng huling gulong bus ang bata at matumba, inatrasan pa ito ng malaking sasakyan.
Kahapon, nanawagan si Sen. Loren Legarda na itaas ang parusa sa mga driver na makakapatay at makasusugat ng pasahero’t pedestrian nang magimbal siya sa salpukan ng dalawang bus sa Maharlika Highway sa Lucena City.
Maluwag nga ang batas, dahil kahit gaano karami ang napatay ng driver (o kapitan ng barko), makapagpipiyansa pa rin siya dahil ang pangunahing kaso ay reckless imprudence at ang kamatayan ng mga biktima ay ikalawang bahagi lamang ng asunto.
Sa Maynila, nanggagalaiti rin si Mayor Alfredo Lim. At dahil dating pulis, para sa kanya, tanging adik o bangag sa drogang bus driver lamang ang di mangingiming pumatay ng kanyang maraanan sa lansangan. Ang remedyong nakikita ni Lim: ipa-drug test ang mga bus drivers at bigyan ng papeles. Kapag nag-positive, bigyan ng “diploma,” na di na siya makapagmamaneho pa sa Maynila.
Pero, ano nga ba ang mga katuwiran ng mga bus driver na pumapatay sa kalye?
“Hindi ko sinasadya. Aksidente yan. Sino ba ang may gusto ng aksidente?”
Yan ang dokumentadong katuwiran ng bus driver na pumatay sa tanyag na si Dr. Joe Sarabia sa EDSA, kung saan sumabog ang kanyang Mercedes Benz nang bundulin sa likod ng bus, dahil ang driver ay nakikipagkarera sa kapwa bus sa madaling araw.
BANDERA Editorial, August 26, 2009