KUNG ano ang ipinaramdam ni coach Alfredo Jarencio kay Norman Black noong 2007, iyon ang ipinalasap sa kanya ni Juno Sauler ngayon.
At siyempre, kung ano ang ‘ecstacy’ na nadama ni Jarencio noon, marahil ay higit pa ang nararamdaman ni Sauler ngayon.
Magugunitang noong 2006 ay tinalo ni Jarencio si Black sa kampeonato ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) men’s basketball tournament.
Dinaig ng University of Santo Tomas Growling Tigers ang mas malakas na Ateneo de Manila Blue Eagles sa Finals noon.
Dahil doon ay nakakumpleto si Jarenciong isang Cinderella finish sa UAAP.
Unang taon niya kasi iyon bilang head coach ng Growling Tigers. Natural na nasa Cloud Nine si Jarencio noon.
Bunga ng tagumpay na iyon ay kinuha kaagad siya ng San Miguel Beer (ngayo’y Petron Blaze) bilang isa sa mga assistant coaches nito sa PBA.
So, maningning kaagad ang naging umpisa ng coaching career ni Jarencio. Pero hindi na nasundan ang kampeonatong iyon.
Nakabawi naman ang Blue Eagles at si Black sa pagkatalo sa Growling Tigers.
Kasi, magmula sa 2008 season ng UAAP ay mataas ang naging lipad ng Blue Eagles at naghari sila sa loob ng limang seasons.
Dahil dito ay ginantimpalaan ni Ateneo team manager Manny V. Pangilinan si Black at ginawa siyang head coach ng Talk ‘N Text sa PBA. Si Black ay hinalinhan ni Dolreich “Bo” Perasol bilang coach ng Ateneo.
Well, tinalo ni Jarencio at ng UST ang Ateneo sa huling game ng double round eliminations upang makamit ang huling ticket sa Final Four.
Sa Final Four ay dinaig ng Growling Tigers ng dalawang beses ang topnotcher na National University Bulldogs upang pumasok sa Finals sa ikalawang sunod na taon.
At sa Game One ng Finals ay nanaig ang Growling Tigers sa La Salle. So, isang panalo na lang ang kailangan ng UST upang maiuwi ni Jarencio ang kanyang ikalawang UAAP championship.
Pero hindi dumating ang panalong iyon. Nadalawahan sila ng La Salle. Kaya ayun at si Sauler naman ang nakaranas ng Cinderella finish.
Sayang! Kasi nga’y ga-hibla na lang ang distansya ng UST sa panalo sa regulation period. Ang Growling Tigers ang may ball possession sa huling anim na segundo at nag-inbound si Jeric Teng kay Aljon Mariano.
Pero hindi na ipinasa pa ni Mariano ang bola. Kahit na malas siya sa kabuuan ng game, siya pa rin ang gumawa ng last shot. Nagmitis siya. Napakamot ng ulo si Jarencio, napasimangot.
Kitang-kita sa television screen na ininumuwestra niyang ipasa ni Mariano ang bola kay Teng na siyang main man nila.
Pero nangyari na ang nangyari. Overtime na. At sa overtime ay namayani ang La Salle.
Ano kayang mas magandang oportunidad ang darating kay Sauler bunga ng kanyang Cinderella finish sa UAAP?