BAKAS ang gulat sa mukha ni Angelica Lopez nang hirangin siyang 2023 Binibining Pilipinas International noong Mayo 28. At maraming iba pa ang lumalabas na nabigla rin sa resulta ng patimpalak. Ngunit head director na mismo ng organisasyong nagtatanghal ng Miss International pageant ang nagsabing bumilib siya sa performance ng bagong reyna.
“Angelica was trying to win the Bb. Pilipinas crown. She made a mark. She was memorable,” sinabi ni International Cultural Association (ICA) Head Director Stephen Diaz sa isang tweet. Nasaksihan niya mismo ang pagrampa ni Lopez sa 2023 Bb. Pilipinas Grand Coronation Night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City.
Habang marami ang nagbunyi sa pagwawagi ni Lopez, marami pa rin ang nagsabing baka hindi siya tugma sa hinahanap ng pandaigdigang patimpalak. Ibinahagi ng bagong reyna sa isang panayam makaraang makoronahan na sinabihan na spya dati ng mga nakapaligid sa kanya na tila mas akma siya sa Miss Globe pageant.
Isang morenang Palaweñang nagbigay ng marubdob na pagrampa sa entabaldo ng Bb. Pilipinas, napakalayo nga ni Lopez sa mga naunang nakasungkit ng titulo sa kanya na mas maputi ang kutis at mas malumanay ang pagtatanghal kung ihahambing sa ipinakita niya—sina Mariel De Leon, Ahtisa Manalo, Bea Patricia Magtanong, Hannah Arnold, at Nicole Borromeo.
“The judges loved her and she succeeded. Miss International for her will be next year. She was not performing to win [the Miss International] crown last Sunday. She was performing to win a Bb. Pilipinas title,” ibinahagi ni Diaz, na sinamahan si reigning Miss International Jasmin Selberg sa Pilipinas. Kasama rin ang pandaigdigang reyna sa mga inampalan ng pambansang patimpalak.
Si Borromeo, na nasungkit ang pambansang titulo noong 2022, ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss International pageant ngayong taon, ang ika-61 edisyon, sa Yoyogi Gymnasium sa Tokyo, Japan, sa Okt. 26. “We’re actually working on a better production this year,” sinabi ni Diaz sa Inquirer sa isang panayam.
Nilinaw din niya ang isa pang “misconception” tungkol sa pandaigdigang patimpalak sa isang hiwalay na tweet. “Come to Yoyogi Gymnasium this October and I encourage everyone to make some noise, and boost your delegate’s confidence! People say [Miss International] is boring because the audience are silent. We never said NOT to make noise. Your presumptions are wrong,” aniya.
Ngunit sinabi niya sa Inquirer na maaaring magkaroon ng malaking pagbabago sa kumpetisyon. “We are exploring on the fact that we will do sportswear instead of swimsuit during the final night. But we will still do the swimsuit evaluation, just not on stage,” ibinahagi ni Diaz.
“Some of our sponsors are a little bit hesitant with the idea of seeing girls in swimsuit on stage in this day and age. So they don’t want to be put in a situation wherein their stakeholders, stockholders will ask them, ‘why are you sponsoring an event that makes women catwalk in swimsuit?’ So we are exploring on that possibility of doing sportswear instead,” pagpapatuloy niya.
Sa 2024 Miss International pageant pa sa isang taon babandera si Lopez, na dumaig sa 39 iba pang kalahok para sa titulo bilang 2023 Bb. Pilipinas International. Kinoronahan naman si Anna Valencia Lakrini bilang Bb. Pilipinas Globe, habang first runner-up si Katrina Anne Johnson, at second runner-up naman si Atasha Reign Parani.
Related Chika:
Top 11 finalist ng Bb. Pilipinas 2023 napili na, sasabak na sa susunod na round
Coronation night ng Binibining Pilipinas 2023 magaganap na sa May 28