Japan-based Pinay beauty queens babandera sa Malaysia

Japan-based Pinay beauty queens babandera sa Malaysia

Ipinakikilala ni Mrs. Tourism Ambassador International Japan National Director Myla Villagonzalo-Tsutaichi (gitna) ang mga reyna niyang sina Wannie Ono (kaliwa) at Marivel Kawajiri./ARMIN P. ADINA

 

DALAWANG Pilipinang naninirahan sa Japan ang tutulak sa Malaysia sa isang linggo upang maging kinatawan ng “land of the rising sun” sa isang pandaigdigang patimpalak, ang 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe International competition.

Dumalaw muna sina Marivel Kawajiri at Wannie Ono sa inang bayan nila bago pumunta sa kalapit na Sabah para sa international competition, at tinagpo ang ilang kawani ng midya upang talakayin ang pagsali nila sa naturang pageant.

Sinamahan sila ng kanilang national director, isa pang Japan-based Pilipina, si Myla Villagonzalo-Tsutaichi, sa maliit na pagtitipon sa Pavarotti restaurant sa Okada Manila sa Parañaque City noong Mayo 29. Isa rin siyang international beauty queen, kinoronahan bilang Mrs. Tourism Ambassador International noong 2020.

Kinoronahan si Kawajiri bilang Mrs. Tourism Ambassador International Japan sa unang edisyon ng pambansang patimpalak na itinanghal sa Tokyo nitong Pebrero, habang nasungkit naman ni Ono ang titulong Mrs. Tourism Ambassador International Philippines-Japan sa naturang kumpetisyon din.

“Pangarap ko talagang makatulong sa kapwa. Nag-pray ako, ‘Lord, bigyan mo lang ako ng misyon.’ Isa rin kasi akong community leader,” sinabi ni Kawajiri, na magdiriwang ng ika-48 kaarawan sa Hulyo. Ibinahagi pa ni Tsutaichi na kinailangan pang bumiyahe ng reyna niya nang limang oras mula sa Kagoshima upang makadalo sa mga kaganapan ng pageant sa Tokyo.

Para naman sa 51-taong-gulang na si Ono, isang single mother at lola sa tatlong apo, “pageant ang way na makatulong ako sa tao.” Isa siyang certified Zumba instructor, gym trainor, at cosplay artist na nakatira sa Tokyo.

Sinabi ng dalawang reyna na inspirasyon nila si Tsutaichi kaya napasabak sila sa pageantry, sapagkat nakita nila kung paano niya nagamit ang korona upang mapalawig ang pagtulong sa kapwa. Sinabi nina Kawajiri at Ono na isang panata ang tagline ng national pageant na, “beauty with a mission, dream with action,” upang magsilbi sa kapwa at mangarap ng mas malawak na saklaw.

Kapwa magiging kinatawan ng Japan sina Kawajiri at Ono sa 2023 Mrs. Tourism Ambassador Universe International pageant, na magtatapos sa isang grand coronation show sa Ming Garden Hotel sa Sabah, Malaysia, sa Hunyo 4. Aalis sila ng Maynila sa Hunyo 1.

Read more...