NGAYONG nalalapit na ang coronation night ng 2023 Binibining Pilipinas pageant, nagbahagi ng payo sa mga kalahok ngayong taon ang beauty queen-turned-news anchor at host na si Emma Tiglao, na nanggaling din sa taunang patimpalak: “Put God in the center of it.”
Sinabi ng 2019 Bb. Pilipinas Intercontinental titleholder na naniniwala siyang lahatnaman ng paying makukuha niya at natanggap na niya noong lumaban siya, kaya pinaalalahanan niya ang mga dilag na maliban sa pagsasanay sa pasagot at pagrampa, pinakamahalga ang pagkapit sa pananampalataya.
“If He becomes your core, anything and everything is possible,” sinabi niya sa Inquirer sa isang maliit na pagtitipon sa tanggapan ng Lueur Lauren International Corp. in Quezon City noong isang buwan. Nag-renew ng partnership ang kumpanyang Pilipino kay Tiglao bilang ambassador, na nagsimula noong pang 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Nakatulong ito nang malaki kay Tiglao, lalo ngayong nakikita siya sa telebisyon araw-araw, umaga at gabi, bilang host ng morning show na “Kada Umaga,” at anchor sa primetime newscast na “Mata ng Agila,” kapwa napapanood sa Net25. Dahil sa iskedyul, naapektuhan ang kutis niya, hindi lamang dahil sa patong-patong na makeup sa mukha niya, kundi maging sa kaunting oras na natitira upang makatulog.
Apat na taon mula nang masungkit ang korona, at dalawang taon mula nang maisalin ang titulo, buhay beauty queen pa rin ang tinatahak ni Tiglao, kumikilos kahit maikli lang ang tulog at inaasaang magmumukha pa ring fresh at Maganda para sa publiko. At dahil dito, pinaalalahanan din niya ang 2023 Bb. Pilipinas candidates na mag-moisturize ng kutis.
“Kapag kulang ka sa tulog, nagiging dry ang skin mo. Even if you drink lots of water, hindi pa rin sapat. What I do is I put on a collagen sheet mask once a week. I also put it in the fridge para malamig siya at magklo-close ang pores mo,” ininahagi niya, dinagdag pang ginagamit niya ang sobrang serum sa pakete upang ipahid sa leeg, kamay, siko, at tuhod niya.
Sinabi ni Tiglao na magtataposito sa pagkakaroon ng mainam na skincare routine. Para sa kaniya, nagsisimula siya sa facial foam upang mabura lahat ng sobrang makeup pagkatapos ng isang buong araw ng pagtratrabaho sa TV. Sinusundan niya ito ng toner, na minsan itinatapik lang niya sa mukha. “I don’t use cotton sometimes,” ibinahagi niya. Pinagsasalitan din niya ang paggamit sa BB cream at powder upang maiwasan ang pagkairita ng balat niya. At para sa maliliit na guhit sa mukha o bakas na naiwan ng taghiyawat, gumagamit siya ng spot corrector.
Iginiit din niya ang halaga ng paggamit ng sunblock. “Kahit naman hindi summer ginagamit ko siya. Kailangan siya ng ating skin. Kailangan dala-dala n’yo na ito,” paglalahad ni Tiglao, na sinabi pang nakahanap siya ng mayroong taglay na aloe extract.
Isa sa Tiglao sa mga pinakakilalang reyna sa mundo ng patimpalak sa Pilipinas. Sumabak na siya sa ilang pambansang kumpetisyon, simula sa 2012 Mutya ng Pilipinas pageant kung saan siya naging runner-up. Pinakahuling pagsampa niya ang pagbandera sa sa 2019 Miss Intercontinental pageant sa Egypt kung saan siya nakapasok sa Top 20 at tianggap ang mga titulo bilang Miss Sunrise Popularity at Miss May Care.
Itatanghal na ang 2023 Bb. Pilipinas Grand Coronation Night sa Mayo 28 sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City.