Bb. Pilipinas candidate mula Cebu may pakiusap matapos mag-trending ang Sto. Niño costume: ‘Let’s all spread love’

Bb. Pilipinas candidate mula Cebu may pakiusap matapos mag-trending ang Sto. Niño costume: ‘Let’s all spread love’

Joy Dacoron/ARMIN P. ADINA

USAP-USAPAN si Binibining Pilipinas candidate Joy Dacoron kahapon dahil sa pag-trend online ng Santo Niño national costume niya na umani ng galit mula sa mga relihiyosa at pangungutya mula sa maraming netizens. Sa isang panayam ng Inquirer, puspos ang paghingi niya ng tawad, at nagsumamo para sa pang-unawa ng publiko.

“Hindi ko po intensyon na bastusin si Señor Santo Niño natin. Mahal na mahal ko si señor. Kung kaya kong mag-story kung ano iyong mga nangyayari sa akin because sa faith ko sa kanya na sobrang lalim, pwede kong ilahad sa inyo,” sinabi niya sa Inquirer habang nagpapahinga sa pagsasanay nila sa New Frontier Theater sa Araneta City sa Quezon City noong Mayo 17, ang mismong araw na umusok ang social media dahil sa mga komento patungkol sa costume niya.

“I wish maintindihan n’yo rin kung gaano iyong kalalim ang faith ko na ipagmalaki sa lahat,” sinabi ng professional volleyball player mula sa lalawigan ng Cebu. “Let’s all spread love and have that faith in our heart that mananatili pa rin iyong connection natin sa bawat isa. Kasi only faith can unite us,” pagpapatuloy ni Dacoron.

Dinisenyo ang costume ng taga-Bacolod na si Chino Ledesma Christopherson, at ginamitan ito ng pananamit ng imahen, na tila lumalabas na si Dacoron mismo ang batang Kristo. Inilabas ito noong Mayo 16 sa pagbubukas ng national costume photo exhibit sa Gateway Mall sa Araneta City, at lumabas din sa social media accounts ng patimpalak. Tinanggal na ito online noong Mayo 17.

“Nagkaroon ng idea kami ng designer ko na gawing national costume si Señor Santo Niño kasi nag-brainstorming kami and pareho pala kaming devotees pala ni Señor Santo Niño,” ibinahagi niya. Sinabi niyang may kani-kaniya silang kuwento ng pananampalataya, si Christopherson may panatang damitan ang Niño taun-taon, habang siya naman nanalig sa Señor nang makaranas ng malaking dagok sa buhay noong isang taon.

Sinabi rin ni Dacoron na na-inspire sila ng mga costume na inirampa sa mga nagdaang patimpalak na halaw sa mga imaheng panrelihiyon. “Wala namang something na sobrang negative iyong mga comments ng mga tao. Merong iba pero nagawan naman ng paraan na more on positive naman. Hindi ko in-expect na nagkaroon pala siya ng sobrang negative impact sa nation natin,” paglalahad niya.

Sinabi ng kandidatang napagtanto niyang mali siyang gamitin ito sa national pageant stage. “Lesson learned na rin iyon sa lahat. We have different pananalig sa lahat, and let’s make it in a proper way din, wala tayong maaapakan na iba,” aniya.

“We can share our testimony, how it helped us. But then again, we need to consider sa karamihan talaga kung ano iyong mas nakakatulong na mas maintindihan ka nila, makuha mo iyong heart nila, na you have the same souls,” pagpapatuloy niya.

Inulit ni Dacoron ang paghingi ng tawad sa lahat ng maaaring nabastusan sa pagpapamalas niya ng pananampalataya niya sa national pageant stage, at nagpasalamat na rin sa pamunuan ng Simbahan para sa pang-unawa. Nag-post siya sa Instagram ng mga larawang kuha mula sa loob at labas ng simbahan na suot ang costume niya.

“Pasensya na po sa lahat. Aakuin ko naman ang kasalanan ko, na hindi ako naging sensitibo sa mga pangyayari. And to everyone, may it be a lesson learned. Maraming salamat sa lahat,” aniya.

Isa si Dacoron sa 40 opisyal na kandidatang nagtatagisan para sa 2023 Bb. Pilipinas pageant. Itatanghal ang grand coronation night sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Mayo 28. Dadalo si reigning Miss International Jasmin Selberg, at magbabalik si 2018 Miss Universe Catriona Gray bilang host. Magtatanghal naman si Vice Ganda. Maaari nang bumili ng tickets sa Ticketnet.

Read more...