LIMANG Pilipino ang hinirang na mga kinatawan ng Pilipinas sa iba’t ibang pandaigdigang patimpalak sa pagtatapos ng unang edisyon ng Mister Pilipinas Worldwide contest na itinanghal sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City noong Mayo 6.
Hinirang bilang Mister Pilipinas Supranational si Johannes Rissler mula Davao del Norte, at siyang magbibitbit sa bansa sa ikapitong edisyon ng Mister Supranational pageant sa Poland sa Hulyo. Hinihintay na niya ngayon ang magiging katambal niya na siya namang ipadadala sa Miss Supranational pageant.
Itinanghal naman bilang Mister Pilipinas International Ambassador si Jefferson Bunney mula sa pamayanang Pilipino ng United Kingdom. Siya na ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa ika-15 edisyon ng Mister International competition na itatanghal sa Thailand sa Setyembre.
Tinanggap ni Ken Stromsnes mula Mandaluyong City ang titulo bilang Mister Pilipinas Manhunt International, kaya siya na ang magbibitbit sa Pilipinas sa ika-22 edisyon ng Manhunt International Male Supermodel contest na itatanghal sa Vietnam sa Disyembre.
Nasungkit naman ni John Ernest Tanting mula Cebu City ang titulo bilang Mister Pilipinas Global. Tutulak siya sa Thailand para sa susunod na pagtatanghal ng Mister Global competition. Nitong Pebrero lang isinagawa ang edisyon nito para sa 2022.
Dahil sa pagtanggap sa titulong Mister Pilipinas Cosmopolitan, si Ivan Aikon Ignacio mula San Jose City na ngayon ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Mister Cosmopolitan pageant sa Malaysia sa Oktubre, na mula sa organizer ng I Am Model Search na itinanghal nitong Enero lang.
Napili ang limang nagwagi mula sa 19 kalahok. Maliban sa mga tumanggap ng mga titulo, naghirang din ang patimpalak ng tatlong runners-up. Binuo ang hanay ng mga nagwagi nina first runner-up Lorenzo Isip mula sa lalawigan ng Cebu, second runner-up Rei Aldrich Gregorio mula sa lalawigan ng Bulacan, at Tyler Gaumer mula sa pamayanang Pilipino ng Estados Unidos.
Ang modelo at dating varsity athlete na si Joshua de Sequera ang tumatayong national director ng Mister Pilipinas Worldwide contest. First runner-up siya sa 2022 Manhunt International Male Supermodel competition na itinanghal sa Pilipinas noong Oktubre ng isang taon.