NAGBABALIK sa pageantry ang beauty queen at aktres na si Kylie Verzosa. Ngunit sa paghalip na pagrampa sa entablado, mas mararamdaman siya sa likod ng kamera bilang “Head of Empowerment” ng isang patimpalak sa Gitnang Silangan.
“I’m so excited to be part of the Miss Universe Bahrain organization, and I can’t wait to see what’s in store,” sinabi niya sa mga kawani ng midya na nagtipon para sa press conference na ipinatawag sa Green Mansion sa Dasmariñas Village sa Makati City noong Abril 26.
Ayon sa Dubai-based na Pilipinong marketing expert na si Josh Yugen, national director ng organisasyon, hindi na nag-atubili pa si Verzosa sa pagpayag na maupo sa pwesto. “Kylie is super accommodating, she’d help all the girls. She’s one of the humblest celebrities that I know,” aniya.
Sinabi ni Verzosa na noong isang taon pa siya nilapitan ni Yugen. “I was so excited. I was able to train some of the girls, even Evlin (Abdulla Khalifa, reigning Miss Universe Bahrain), especially with my experience in the pageant, proper mindset, [have] more confidence, how to prepare for a pageant. I feel so lucky, so honored and so blessed. And I would love to help other girls achieve their dreams,” ibinahagi 2016 Miss International titleholder, ang ikaanim na Pilipinang nakasungkit sa korona.
Sinabi niyang kahit ilang taon na ang nakalilipas mula nang huling bumandera sa pageants, hindi siya nag-alinlangang tanggapin ang alok sapagkat lagi niyang mamahalin ang industriya. “You can take the girl out of the pageant, but you cannot take the pageant out of the girl. That’s where my core is, that’s where I began, so it won’t ever be out of my system,” ipinaliwanag niya.
Kasama ni Verzosa ang iba pang mga Pilipinong council members sa organisasyon. Maliban sa kanila ni Yugen, nandoon din ang international award-winning filmmaker na si Brillante Mendoza bilang artistic director, Lorenzo Vega bilang head of innovation, at Raymond Gutierrez bilang fashion director. Si Khalifa ang natatanging Bahraini sa pangkat bilang head of culture.
Sa ikatlong taon niya bilang national director, gagamitin ni Yugen ang reality show format upang piliin ang susunod na reyna. Katulad ng “America’s Next Top Model,” titipunin ng Miss Universe Bahrain contest ang isang pangkat ng mga babaeng sasailalim sa mga hamon upang matukoy kung sino ang pinakamahusay mula sa kanilang lahat. May mahigit 100 aplikante na silang natatanggap, ani Yugen.
Mula sa lahat ng mga aplikante, pipili ang organisasyon ang 20 kung saan magmumula ang walong pinakamagaling, at siyang uusad sa pinakamahalagang yugto ng patimpalak. Sinabi ni Yugen na dadalhin ang walong kalahok sa Pilipinas kung saan kukunan ang reality show. Sa Hulyo na malalaman kung sino ang magwawagi.
Babandera sa ika-72 Miss Universe pageant sa El Salvador ngayong taon ang susunod na Miss Universe Bahrain, at tatangkaing masungkit ang koronang taglay ng reynang Filipino-American na si R’Bonney Gabriel, ang ika-siyam na kandidata mula Estados Unidos na nakakuha sa titulo.