Hindi totoo ang mga kumakalat na mga post ngayon sa social media ukol sa di umano’y maaaring pagkawala ng laman ng GCash accounts dahil sa isasagawang “update” kaugnay ng pagtatapos ng SIM registration sa bansa sa darating na ika-26 ng Abril. Ayon ito sa GCash na mariin ding sinabi na hindi kailangang mag-panic at i-withdraw ang pera sa GCash dahil ligtas ang kanilang mga account.
Hinihikayat din ng GCash at ng Globe Telecom na siyang parent company ng e-wallet ang pagpaparehistro ng kanilang mga subscribers. Ito ay para labanan ang tumataas na bilang ng scam cases sa bansa. Sa kasalukuyan ay umabot na sa 79 Milyong Pilipino ang gumagamit ng GCash app.
Kaugnay nito, giit din ng GCash na importanteng iparehistro ng mga users nila ang kanilang mga SIM sa kani-kanilang telco provider bago ang deadline para hindi ma-deactivate ang kanilang numero at hindi maantala ang access sa kanilang e-wallet accounts na konektado rito.
Para sa mga prepaid users ng Globe Telecom, bisitahin lamang ang opisyal na Globe SIM registration website sa https://new.globe.com.ph/simreg upang mairehistro ang kanilang numero. Para naman sa mga postpaid users, maaari rin i-text ang keyword na “SIMREG” sa 8080 para makumpirma na tunay ang mga impormasyon na iyong ipinasa kaugnay ng paunang aplikasyon para sa Globe postpaid plan.
Upang masiguro ang mabilis at tuluy-tuloy na pagrerehistro, siguruhin din na nakahanda ang mga kakailanganing ID at tama at totoo ang mga impormasyong ilalagay. Kabilang dito ang buong pangalan, araw ng kapanganakan, kasarian, tirahan, uri ng government ID na ginamit pati ang ID number na nakasaad dito, at ang iyong larawan. Para naman sa mga menor de edad na registered user ng GCash Jr., dapat iparehistro ang kanilang Globe SIM card gamit ang pangalan, impormasyon, at ID ng kanilang magulang o legal guardian.
Kung sakali man na nais mong ilipat ang iyong GCash funds sa iyong bagong numero, kinakailangan din gumawa ng bagong GCash account na konektado sa iyong bagong numero at siguraduhin na fully verified ito. Tiyakin din na rehistrado na ang iyong bagong numero upang masiguro ang proseso ng pag-transfer ng pondo at maayos na pag-access sa iyong bagong GCash account.
Siniguro naman GCash na ligtas ang mga account at ang laman nito habang patuloy ang proseso ng SIM registration. Gayundin, tanging ang mga telco providers lamang ang awtorisadong magproseso ng SIM registration at hindi kailanman hihingin ng GCash ang iyong impormasyon sa pamamagitan ng calls, links, text messages, at email.