KADIKIT na ng beauty pageants ang mga babaeng kuntodo-ayos, mga napatungan na ng sandamakmak na makeup ang mga mukha. Ngunit ibinandera ng mga kandidata ng Miss Philippines Earth pageant ang mga “hubad” nilang mukha sa harap ng judges para sa kategoryang “Beauty of Face.”
Gawain na ito ng 22-taong-gulang na pambansang patimpalak na itinatanghal ng Carousel Productions. Dahil dito, nakikita ng organisasyon at ng judges ang tunay na ganda ng mga kandidata, na walang mga pamamaraang naglalayong magkubli ng ilang katangian ng mukha, o magpatingkad ng ilang bahagi.
Hinarap ng lahat ng 29 kalahok ang judges na mayroon lamang ipinintang kilay para sa mga nag-ahit o bumunot ng mga ito, pulbos upang maiwasan ang pangingintab ng mukha, at lip gloss upang maiwasan ang pagbibitak ng mga labi. Isa itong matapang na pagharap para sa mga babaeng nakasanayan na ang paglabas sa publiko na naka-makeup, lalo na ang beauty pageant contestants.
Isinagawa ang judging sa Cove Manila pool club ng Okada Manila sa Parañaque City ngayong Abril 17. Isinagawa rin ng Carousel ang judging para sa “Poise” at “Form and Figure” ngayong araw. Gagamitin ang mga iskor mula sa tatlong kategorya, kasama ang iskor mula sa ibang kategorya, upang mabatid kung sino-sino ang mga uusad sa susunod na yugto ng patimpalak.
Naunang nang nakaharap ng 29 kalahok ang judges para sa mga pagtatanong sa ginawang judging para sa kategoryang “Intelligence and Environmental Awareness,” na napakahalaga para sa patimpalak. Isinusulong ng Miss Philippines Earth pageant, at katuwang na pandaigdigang patimpalak na Miss Earth, ang environmental awareness at humihirang ng mga reynang nakikiisa sa mga proyektong tumutulong na mapangalagaan ang daigdig.
Nakatakdang koronahan ni reigning Miss Philippines Earth Jenny Ramp ang magiging tagapagmana niya sa Abril 29 sa Toledo, Cebu. Babandera ang bagong reyna sa 2023 Miss Earth pageant sa Vietnam.
Pilipinas ang pinakamatagumpay na bansa sa Miss Earth pageant na may apat na reyna, kabilang ang dalawang kinoronahan nang back-to-back—sina Karla Paula Henry (2008), Jamie Herrell (2014), Angelia Ong (2015), at Karen Ibasco (2017).