NAKUMPLETO ng La Salle ang mga krusyal na plays sa huling 30 segundo para katampukan ang 71-69 overtime panalo sa University of Santo Tomas sa pagtatapos kagabi ng 76th UAAP men’s basketball finals sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umabot sa 23,396 ang taong nanood kasama rito ang 1999 champion team ng La Salle sa pangunguna ng dating team captain at ngayon ay Vice Mayor ng San Juan na si Francis Zamora na tila ibinalik ang alaala ng koponan na bumangon mula sa 0-1 deficit sa finals kontra rin sa Tigers.
Si Jeron Teng ay mayroong 25 puntos bukod pa sa walong rebounds, anim na assists at tig-isang steal at block at ang kanyang pinakamalaking naiambag ay ang magandang pasa kay Almond Vosotros.
Naipasok ni Vosotros ang 15-footer upang sundan ang split ni Teng sa free throw line na nagbigay ng 70-69 kalamangan sa Green Archers.
Sablay ang opensa ni Karim Abdul at ang bola ay nakuha ni LA Revilla na nalapatan ng foul tungo sa isa pang split at ang Archers ay lumayo sa dalawa, 71-69, sa huling siyam na segundo.
Natapikan ni Teng si Abdul para magkaroon na lamang ng mahigit na dalawang segundo ang Tigers at ito ay nasayang nang si Abdul ay napilitang pumukol mula sa 3-point line na tumama lamang sa board.
Ang Rookie of the Year noong nakaraang taon na si Teng ang siyang kinilala bilang Finals MVP nang tulungan ang Archers na makuha ang ikasiyam na UAAP title at unang kampeonato ni first-year coach Juno Sauler.
Matapos ang laro ay nilapitan ni Jeron ang nakatatakdang kapatid na si Jeric at nagyakap bago sabay na itinaas ang kamay bilang pagrespeto sa ipinakita ng huli.
May 24 puntos ang nakatatakdang Teng pero hindi sapat ito para pagkampeonin ang UST at wakasan sana ang collegiete career tangan ang isang title.
Si Abdul ang nanguna sa UST sa 26 puntos pero ininda ng Tigers ang masamang laro ni Aljon Mariano na itinapon ang dalawang mahahalagang possession ng UST sa regulation at sa huling segundo sa overtime.