Bagong Miss Rotary nag-uwi ng P150,000

Miss Rotary Vienne Shirin Feucht/

Miss Rotary Vienne Shirin Feucht/ARMIN P. ADINA

 

TUMANGGAP ng P150,000 si Vienne Shirin Feucht nang masungkit ang korona bilang Miss Rotary sa pagtatapos ng unang edisyon ng patimpalak na itinanghal sa Globe Auditorium ng Maybank Performing Arts Theater sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong Abril 16.

Dinaig niya ang 17 iba pang kalahok mula sa iba’t ibang Rotary Clubs ng District 3830. Isinali siya ng Rotary Club of Makati Dasmariñas. Tinanggap din ni Feucht ang mga mahahalagang parangal na Best in Swimsuit at Best in Evening Gown sa patimpalak. Noong 2021, naging first runner up siya sa Miss Bikini Philippines pageant.

Sa huling yugto ng patimpalak, sinabi ni Feucht na tatalakayin niya ang adbokasiya niya kung mabibigyan ng pagkakataong makausap si Rotary International Pres. Jennifer Jones, ang unang babaeng naluklok sa posisyon. Isinusulong niya ang kamulatan sa polycystic ovary syndrome (PCOS), tinukoy ang dami ng mga babaeng nakararanas nito, kabilang siya.

Nanaig sa kumpetisyon ang Rotary Clubs sa Makati City. First runner-up si Shaira Marie Rona na kumatawan sa Rotary Club of Makati, habang second runner-up si Sierra Mhay Manalo na kumatawan sa Rotary Club of Makati Business District.

Kasama ni bagong Miss Rotary Vienne Shirin Feucht (gitna) sina second runner-up Sierra Mhay Manalo (kaliwa) at first runner-up Shaira Marie Rona/ARMIN P. ADINA

Isa ring pageant veteran si Rona na sumali na sa Binibining Pilipinas pageant. Tumanggap siya ng P75,000 para sa pagtatapos sa ikalawang puwesto sa katatapos na patimpalak, at hinirang din bilang “Miss Public Image” dahil sa pagsasabuhay ng mga katangiang itinataguyod ng Rotary International. Tumanggap naman si Manalo ng P50,000 para sa pagtatapos sa ikatlong puwesto.

May iba pang mga pamilyar na mukha na sumali sa patimpalak. Nagtapos sa Top 10 si 2022 Miss Aura Philippines second runner-up at reigning Bb. Kanlahi Vera Dickinson na kumatawan sa Rotary Club of Makati, at 2019 Miss Scuba Philippines Liz Mabao na kumatawan sa Rotary Club of Makati Northeast, at nakapasok sa semifinals sa pamamagitan ng paglikom ng pinakamaraming boto para sa parangal bilang “People’s Choice.”

Kasama ni bagong Miss Rotary Vienne Shirin Feucht (gitna) sina second runner-up Sierra Mhay Manalo (kaliwa) at first runner-up Shaira Marie Rona/ARMIN P. ADINA

Sumali rin si 2023 Miss Supermodel Philippines fourth runner up Florian Jerick Lajara na kumatawan sa Rotary Club of Fort Bonifacio-Global City, 2021 Miss World Philippines Second Princess Janelle Lewis na kumatawan sa Rotary Club of Makati Circle of Friends, at 2019 Face of Tourism Philippines alumna Joana Marie Rellosa na kumatawan naman sa mga Rotary Club ng Metro Pateros, Makati EDSA, Parañaque Metro South, at Muntinlupa Business District.

Sinabi ni Rotary International District 3830 Gov. Mildred Vitangcol na itinanghal ang patimpalak upang higit na maitampok ang gawain ng organisasyon sa pagsusulong sa edukasyon, at paglalaan ng serbisyo, pasilidad, at kagamitan para sa mga bata sa malalayong lugar. Nagbabalak silang magtayo ng 100 klasrum upang magamit ng mga mag-aaral sa mga maralitang pamayanan.

Read more...