Miss Universe Philippines may bagong partnership programs

Kasama ni Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup-Lee (nakasuot ng pink) ang mga kapwa niya direktor ng organisasyon na sina (mula kaliwa) Albert Andrada, Jonas Gaffud, Voltaire Tayag, at Mario Garcia sa entablado, kapiling ang mga kandidata ngayong taon.

Kasama ni Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup-Lee (nakasuot ng pink) ang mga kapwa niya direktor ng organisasyon na sina (mula kaliwa) Albert Andrada, Jonas Gaffud, Voltaire Tayag, at Mario Garcia sa entablado, kapiling ang mga kandidata ngayong taon./ARMIN P. ADINA

 

UPANG maihatid ang karanasan ng Miss Universe Philippines sa higit na maraming tao sa mas maraming lugar sa buong bansa, naglunsad ang national pageant ng mga bagong programang naglalayong makahikayat ng mga katuwang na magsasagawa ng mga lokal na patimpalak, at mapalawig ang pangalan nito sa pamamagitan ng mga produkto.

Sa press presentation ng mga kandidata ng 2023 Miss Universe Philippines pageant sa Marquis Events Hall sa Bonifacio Global City sa Taguig City noong Abril 11, ipinakilala ni Director of Communications Voltaire Tayag ang mga bagong makakasama sa pangkat, na naatasang pamunuan ang mga bagong adhikain ng organisasyon, lahat alinsunod sa bagong direksyon ng Miss Universe Organization (MUO).

Inilatag ni Joseph Rivera ang bagong “Accredited Partners Program,” na pangungunahan niya bilang direktor, upang kumalap ng “ambassadors” sa iba’t ibang bayan at lungsod ng bansa, at maging sa mga pamayanang Pilipino sa ibayong-dagat, na magsasagawa ng mga lokal na patimpalak.

Sinabi ni Rivera na isusulong ng mga ambassador ang “inclusivity and diversity in pageantry,” at palalawigin ang naaabot ng pambansang patimpalak “by empowering individuals and communities.” Maghahandog din ang programa ng mga oportunidad na yumabong nang personal at propesyunal, dinagdag niya.

Sa pagsasagawa ng mga patimpalak sa kani-kanilang mga lugar, tatanggapin ng accredited partners ang “support and guidance” ng organisasyon, at bibigyan ng access sa exclusive branded merchandise, marketing materials, at payo ng mga eksperto.

Magsisimula sa Abril 13 ang applications, at sa Abril 27 na makikilala ang unang accredited partners. Sa Mayo 4 ang deadline ng unang yugto ng applications. Tatanggap ang mga unang mapipili ng dalawang tiket sa Gala Night kung saan dadalo si Miss Universe R’Bonney Gabriel, pagdalo sa orientation day kasama sina Lloyd Lee at Miss Universe Philippines National Director Shamcey Supsup-Lee, dalawang tiket sa final competition, at pagkakataong makadaupang-palad ang hihiranging bagong reyna. Sa Mayo 15 naman ang deadline ng lahat ng applications.

Sa mga interesado sa Accredited Partners Program, padalhan ng e-mail si Rivera sa rivera.josephrey@gmail.com o kumuha ng karagdagang detalye mula sa social media accounts ng pambansang patimpalak.

Samantalang pangugnunahan naman ang isang bagong “Creative Partnerships Program” ni Mike Lee bilang direktor. Tugon ito ng organisasyon sa bagong direksyon ng MUO, at gagawing isang lifestyle brand ang pambansang patimpalak.

Upang simulan ang paglulunsad ng Miss Universe Philippines bilang isang lifestyle brand, isang fashion line ang ilalabas sa tulong ng Smilee Apparel. “The first line will be classic, timeless,” aniya. Susundan ito ng bags, accessories, at beauty and personal care products. Tinatayang magsisimula ito sa pangalawang kalahati ng taon.

Sinabi ng partnerships director na kaugnay pa rin ng adbokasiya ng patimpalak ang mga produkto, sa pamamagitan ng pagsuporta sa husay ng mga Pilipino at mga lokal na industriya upang mapaigting pa ang lokal na sektor ng creatives sa tulong ng ARTE group. “We offer enterprise to our kababayans for them to make more money, also through the help of our candidates,” ani Lee.

Itatanghal ang 2023 Miss Universe Philippines final competition sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Mayo 13. Host ang mga Kapusong sina Alden Richards at Xian Lim, habang may espesyal na partisipasyon sina Gabriel at 2019 Miss Universe Zozibini Tunzi.

Read more...