DARATING sa Pilipinas si Zozibini Tunzi, ang ikatlong Miss Universe mula South Africa at tagapagmana ng Pilipinang si Catriona Gray, upang makibahagi sa coronation night ng 2023 Miss Universe Philippines pageant, ibinalita ito ng director of communications ng pambansang patimpalak na si Voltaire Tayag sa press presentation ng mga kandidata sa Marquis Events Hall sa Bonifacio Global City sa Taguig City ngayong Abril 11.
“She will host, but only for a special segment in the show,” sinabi ni Tayag sa Inquirer sa isang panayam pagkatapos ng programa, kung saan 37 sa 38 kandidata ang rumampa suot ang bulaklakang mga bestida. Hindi nakasipot si Louise Gallardo mula Palawan.
Ngunit kung sa isang segment lang makikita si Tunzi, mapapanood naman sa buong show bilang hosts ang mga Kapusong sina Alden Richards at Xian Lim. Backstage correspondents naman sina 2021 Miss Globe Maureen Montagne at Tim Yap.
Nauna nang ipinarating ng Miss Universe Philippines organization na maghahandog ng isang eksklusibong pagtatanghal para sa live audience si Nam Woo-Hyun mula sa KPop group na Infinite.
Maraming mga pamilyar na mukha sa Miss Universe Philippines pageant ngayong taon, sa pangunguna ng mga nagbabalik na mga reyna ng 2022 na sina Miss Universe Philippines-Tourism Michelle Dee at Miss Universe Philippines-Charity Pauline Amelinckx.
Sumasabak din ang iba pang national titleholders na sina 2021 Reina Hispanoamericana Filipinas Emmanuelle Vera, 2021 Binibining Pilipinas Grand International Samantha Panlilio, 2019 Mutya ng Pilipinas Asia Pacific International Klyza Castro, 2016 Miss Bikini Philippines Christine Julianne Opiaza, 2020 Aliwan Fiesta Digital Queen Jannarie Zarzoso, 2019 Miss Global Universe Philippines Layla Adriatico, at 2018 Miss Global Philippines Eileen Gonzales, ang isa sa tatlong inang kasali ngayong taon.
Makakalaban ng mga beteranang ito ang reigning beauty queens mula sa mga lalawigan—sina Miss Baguio Krishnah Gravidez, Miss Universe Palawan Louise Gallardo, at Miss Batangas Universe Karen Joyce Olfato—at si dating Miss Camiguin Hyra Desiree Betito.
Itatanghal ang 2023 Miss Universe Philippines coronation night sa Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Mayo 13. Isasalin ni Celeste Cortesi ang korona niya sa tagapagmanang babandera sa 2023 Miss Universe pageant sa El Salvador ngayong taon.