BUMANDERA na si Nicolle Lagera sa 2015 Miss Teenager Universe contest sa Panama, kung saan siya hinirang bilang reyna ng Asya. Ngunit makalipas ang walong taon mula sa una niyang pagsalang sa isang pandaigdigang entablado, nagbabalik siya sa pagpa-pageant, inaasinta ngayon ang isang pambansang titulo—ang korona bilang Miss Philippines Earth.
Nakikipagsapalaran siya sa pambansang patimpalak dahil sa sagot na nagpanalo kay Angelia Ong bilang 2015 Miss Earth, sinabi ni Lagera sa mga piling kawani ng midya at pangkat ng content creators sa Cabalen sa Glorietta sa Makati City noong Marso 31.
“I watched her (Ong) in person in 2015, and when she said her slogan ‘we will because we can,’ I said ‘yes, I can.’ I really pushed it because I think I can. So I did,” ibinahagi ni Lagera, kinatawan ng pamayanang Pilipino sa California sa Estados Unidos sa 2023 Miss Philippines Earth pageant.
Makaraang makapagtapos ng consular and diplomatic affairs sa De La Salle-College of Saint Benilde, sinabi ni Lagera na tinangka niyang sumali sa Miss Philippines Earth at Miss Universe Philippines pageant. “I watched my videos, hindi pa ako karapat-dapat noon. Now I’m ready,” aniya.
Kasalukuyang nagtratrabaho ang 26-taong-gulang na dilag bilang account executive sa isang digital marketing company, at sinabi niyang napili niyang makipagsapalaran sa Miss Philippines Earth pageant sapagkat “my heart and my passion is for helping the environment, the animals, trees, nature. This is all connected, this is the world that we live in, we have to preserve it so we don’t experience more difficulties that we are already experiencing.”
Itinatanghal ng Carousel Productions ang Miss Philippines Earth at Miss Earth pageant upang isulong ang pangangalaga sa kalikasan. Binabansagang “beauties for a cause” ang mga kandidata at sumasabak ang mga reyna sa mga proyektong naglalayong magmulat sa mga mamamayan.
Para kay Lagera, napakalaking problema pa rin ang air pollution na kailangang epektibong matugunan. “Like in California, the air pollution is bad. With the way that we’re using fossil fuels, the quality of air is really bad, and it shows with how it affects us,” ipinaliwanag niya.
Sinabi rin niyang akma ang kampanya ng patimpalak ngayong taon na ‘ME Loves 20TREE’ sa pagtugon sa matagal nang problema ng air pollution sa buong mundo. “Planting trees really help, and I want to talk to local government units,” aniya.
Kabilang si Lagera sa 29 kandidatang sumasabak sa 2023 Miss Philippines Earth pageant. Kokoronahan na ngayong buwan ang reynang magiging kinatawan ng bansa sa 2023 Miss Earth pageant na itatanghal sa Vietnam ngayong taon.