PUMANGATLO si Mariel Baltazar sa 2023 Miss Business Global pageant, ang una niyang patimpalak sa ibayong-dagat, sa gulang na 19 taon lang. Maliban dito, binoto rin siya bilang “Miss Friendship” ng mga kapwa niya kandidata.
“Actually I didn’t expect to be Miss Friendship, because at first I was afraid to socialize. Ako nga ang pinakabata so takot ako na makihalubilo sa kanila, kasi parang, minsan, ’di ba, hindi mo maiwasan na ma-intimidate kasi ikaw iyong pinakabata? Parang sila sobrang batikan na,” tugon niya sa tanong ng Inquirer sa victory press conference niya sa Corte Ibiza club sa Quezon City noong Abril 3.
“So noong napunta po sa akin iyong award sobrang thankful po ako, kasi naisip ko na kahit 19 years old lang ako parang na-appreciate nila ako, na-appreciate nila ang kaya kong maipakita at kaya kong gawin sa organization,” pagpapatuloy niya.
Bumandera si Baltazar sa unang edisyon ng Miss Business Global pageant na itinanghal sa Dak Nong, Vietnam, noong Marso 21, kalaban ang 18 iba pang mga kalahok. Napunta man ang korona sa host delegate na si Nguyen Thi Thao, ngunit walang pinagsisisihan ang Pilipinang teenager.
“I think hindi naman ako nagkulang. Siguro hindi lang talaga para sa akin iyong araw na iyon. I think binigay ko naman lahat. And then siguro sa mga susunod na sasalihan ko aayon sa akin iyong tadhana. But sa lahat ng lalabanan ko o sasalihan ko, I promise you guys that I will do my very best,” hinayag niya.
Ibinahagi na rin niyang isang national crown ang aasintahin niya. Itinalaga kasi siya bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Business Global pageant, kaya wala pa siyang anumang karanasan sa isang national contest. “For now, me and my ANR (management) team, we’re thinking if I’m going to go for Miss Aura. I think I will go for it, Miss Aura Philippines,” binunyag ni Baltazar. Sinabi rin niyang bukas siya sa pagpasok sa showbiz. “If there’s an opportunity, I’ll go for it,” aniya.
Ngunit tutuparin pa rin niya ang mga tungkulin niya bilang Miss Business Global runner-up. “Magsisismula siya sa sarili ko, sa pagiging good role model para sa mga kabataan. Especially ngayong generation, kailangan nila ng guidance. Sa organization, it’s all about business, so I’ll try my best to strive harder, to teach them about business and having confidence for themselves so that they can end discrimination against women,” ibinahagi niya.
Sinabi rin ni Baltazar na nakatakda siyang bumalik sa Vietnam sa Oktubre, gayundin sa Disyembre, kaya nangangahulugang magdiriwang siya ng kaarawan niya at ng Bagong Taon sa karatig-bansa.