MATATANGGAP na ng mga retiradong kawani ng gubyerno ang kanilang pensiyon ngayong Miyerkules, tatlong araw bago sa regular na schedule, ayon sa Government Services Insurance System (GSIS).
“Ipapadala natin ang pensiyon ng ating mga pensyonado sa Abril 5 sa halip na sa karaniwang e-credit tuwing ikawalo ng bawat buwan,” ani GSIS President at General Manager na si Wick Veloso.
Sinabi ni Veloso na nauunawaan ng state pension fund ang kahalagahan ng paglabas ng pensiyon nang maaga dahil karamihan sa mga establisyimento ay sarado sa panahon ng Mahal na Araw.
“Ang Semana Santa ay isa sa mga pinakamahalagang okasyon sa bansa at nais naming matulungan ang aming mga pensyonado na maghanda para dito nang hindi na sila mag-alala sa kanilang mga pangangailangan,” aniya.
Dagdag pa ni Veloso na sarado rin ang lahat ng mga kagawaran ng pamahalaan, kasama ang GSIS, mula sa hapon ng Abril 5 hanggang Abril 10. Ito aniya ang dahilan kung bakit nagpasya ang GSIS na ilabas ang pensiyon nang tatlong araw nang mas maaga.
Ang pensiyon ay inilalabas electronically sa pamamagitan ng Unified Multi-Purpose ID (UMID) card o temporary electronic card (eCard), na inisyu ng Land Bank of the Philippines o Union Bank of the Philippines. Maaaring i-withdraw ng mga pensyonado ang pera sa pinakamalapit na automated teller machine (ATM).
Dagdag pa ng state pension fund, magagamit pa rin ng mga pensyonado at miyembro ng GSIS ang GSIS Touch Mobile app sa panahon ng holiday. Gamit ang kanilang smartphone na may internet, maaari nilang tingnan ang kanilang mga record at mag-apply para sa mga loan at claims kahit saan at kahit kailan.
Maaari rin nilang iskedyul ang kanilang Annual Pensioners Information Revalidation.
KAUGNAY NA BALITA
Mensahe ni PBBM ngayong Semana Santa: Maging daan tungo sa pagbabago at tagapaghatid ng katotohanan