ALICE DIXSON maganda pa rin kahit iyak nang iyak


Ngayon pa lang ay nakareserba na ang bawat Huwebes nang gabi namin dahil sa bagong serye ng TV5, ang For Love Or Money, na pinagbibidahan nina Ritz Azul, Derek Ramsay at Alice Dixson.

Hindi pa man umiingay ang promosyon para sa palabas na ito ay madalas na naming ikuwento sa aming programa sa radyo ang magagandang linyang bibitiwan ng tatlong bida sa istorya.

Minsan na kasi naming nakakuwentuhan si Direk Mac Alejandre, ang kapitan ng barko ng palabas, marami siyang kuwento na talagang humawak agad sa aming leeg para tutukan ang For Love Or Money tuwing Huwebes nang gabi sa TV5.

Subok na sa drama si Alice Dixson, marami na siyang napatunayan, sa pagdadaan ng mga taon ay nananatiling maganda pa rin ang aktres na ito na binulabog ng personal na problema sa pagpasok ng taong ito.

Hindi pa lumalabas ang isyu tungkol sa paghihiwalay nila ng kanyang mister na nakabase sa Vancouver, Canada ay nagsadya na isang gabi sa aming gallery si Alice.

Kailangan daw niyang maglabas ng sama ng loob, gusto raw niyang umiyak para lumuwag ang kanyang dibdib, magulong-magulo ang takbo ng kanyang isip nu’ng gabing ‘yun.

Sabi nga namin kay Japs Gersin, ang aming anak-anakang namamahala sa Mga Obra Ni Nanay, napakaganda pa rin ni Alice kahit iyak siya nang iyak.

Wala siyang make-up nu’n, payat na payat siya dahil problemado, pero ang tunay na maganda ay maganda pa rin anumang problema ang bumabagabag sa kanya.

At si Ritz naman ay nakahakbang na palayo sa kanyang mga kasabayan, maagang isinalang si Ritz sa mga makabuluhan at mapaghamong papel, makikipagsabayan ang dalagang ito sa husay ni Alice.

Kay Derek Ramsay ay wala na tayong dapat ipag-alala, ang pagkakapakete sa hunk actor ay malawak, puwede siya sa action, drama at hindi rin siya magpapakabog sa mga eksenang nagpapainit ng katawan ng manonood.

For Love Or Money. Aabangan namin ang seryeng ito ng TV5 na magsisimula na sa darating na Huwebes, October 17.

( Photo credit to Google )

Read more...