FEEL kita, besh. Masakit yarn!
May bagong campaign sa New Zealand para sa mga kabataang Kiwis na brokenhearted. Pinapaalalahanan ng “Love Better” campaign ang mga sawi sa pag-ibig na “own the feels” at i-block ang kanilang mga ex sa social media.
Ang kampanya ng gobyerno ay nagbibigay ng payo at suporta kung ano ang dapat gawin pagkatapos ng hiwalayan, at magkakaroon ito ng mga podcast at platform tulad ng Instagram.
“Break-ups suck… but you can channel it for good. Own the feels,” ang sabi ng malumanay na boses sa campaign video.
Ayon sa mga data analyst ng Kantar, anim sa sampung Kiwis na may edad na 16 hangang 24 ay nakaranas ng hiwalayan at ang karamihan sa kanila ay nakakaramdam ng “malalang epekto.”
Isa ang New Zealand sa may pinakamataas na youth suicide rates sa mga mauunlad na bansa, ayon sa Unicef.
Isang komunidad ng mga bagong hiwalay, eto ang layuning maabot ng kampanya para matulungan sila na maibsan ang sakit na nararamdaman.
Kasama sa video ang mga kabataan na nagpapakita kung paano nila hinarap ang kanilang hiwalayan.
“Kailangan ko talagang gawin ito. Sobrang out of hand na ‘to. Kailangan ko nang matulog ng maayos. Kailangan ko nang makamove on sa kanya,” sabi ng isang kabataan na nag-block na ng kanyang dating crush sa social media.
Sinabi ni Priyanca Radhakrishnan, associate minister para sa social development, na maglalaan ang gobyerno ng NZ$6.4 milyon ($3.9 milyon) sa kampanya sa loob ng tatlong taon.
“Alam namin na masakit ang mga hiwalayan. Gusto naming suportahan ang aming mga kabataan… at ipakita sa kanila na mayroong paraan upang hindi makasakit ng sarili o ng iba,” aniya.
Sinabi rin ni Radhakrishnan na ang “Love Better” ay isang “primary prevention campaign” upang makahikayat ng mga kabataang pwedeng magbahagi ng kanilang kwento at makatulong sa mga kapwa nila na nakakaranas ng parehong sitwasyon.
IBA PANG BALITA
Wikang Tagalog ituturo na sa Harvard