Lahat ng nangyari sa iyong buhay ay itinakda

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

WALA ang column na ito noong Sabado dahil naging busy ang inyong lingkod sa two-day medical mission sa Tacloban City na nagtapos ng Linggo.
Nadala ko ang aking computer pero dahil sa mga preparasyon para sa paggagamot ng mga taong kapus-palad, nakalimutan ko ang pagsulat ng aking column dito sa BANDERA at maging sa INQUIRER.
Naging partner ng aking RT Good Samaritan Foundation Inc. ang Sagip Bayan Foundation ng St. Luke’s Hospital sa medical mission.
Ang Sagip Bayan ay binubuo ng mga doktor, dentista at nars ng isa sa pinakamagaling na mga ospital sa mundo.
(Proof na world-class ang St. Luke’s ay nang mabuhay si First Gentleman Mike Arroyo matapos ang isang maselan na operasyon na ang chances of living ay one percent of 100).
Marami kaming nagamot na mga pasyente: 1,678 lahat-lahat, kasama ang 42 major surgery sa harelip, goiter at luslos o hernia; 275 minor surgery kasama ang operasyon sa cyst o bukol; 598 dental patients; 275 consultations sa mga bata; 120 consultations sa  matatanda.
Mas marami ng kaunti ang ginamot namin noong Sabado kesa noong Nov. 22-23, 2009 on the occasion of my birthday.
Bakit ko napili na naman ang Tacloban City samantalang nag-medical mission na ako doon noong Nov. 22-23? Dahil mahal ko ang siyudad gawa nang ako’y nagtapos ng high school doon.
Nitong nakaraang medical mission ay alay sa mga Taclobanon sa kanilang pag-celebrate ng fiesta bukas, June 30.
Nagpapasalamat ako sa mga sumusunod: Dr. Sammy Tanzo, president of Sagip Bayan at head ng medical mission; mga doktor, dentista at nars na bumuo ng medical mission; Dr. Earl Viernes ng Bethany Hospital; Sally at Jack Faelnar; former Vice Gov. Ganggang Villasin; Rey Fuentes; mga tauhan ko sa “Isumbong mo kay Tulfo” na pinamumunuan ni Alin Ferrer na aking chief of staff; mga miyembro ng high school class ’66 at ’69 ng Divine Word University; Wilson Chan, may-ari ng Leyte Park Hotel.
Si Dr. Viernes, medical director ng Bethany Hospital, ang nagbigay pahintulot sa amin na gamitin ang operating room ng ospital at ang employees mess hall na ginawa naming recovery room para sa mga pasyente namin ng dalawang araw.
Si Wilson Chan, na aking close friend, ay nagbigay ng malaking discount para sa hotel accommodation at pagkain ng mga miyembro ng mission na 51 katao.
Hindi kami pinagbayad ni Mr. Chan sa paggamit ng malawak hotel gymnasium sa pagtanggap namin ng mga outpatients.
* * *
Masarap ang pakiramdam na tumulong sa iyong kapwa na mga kapus-palad.
Para kang lumulutang sa ulap dahil alam mong ang tulong mo ay malaking bagay para sa kanila.
At kapag ikaw ay tumulong na walang hinihintay na kapalit, inaabot ka ng suwerte sa buhay.
Ang gumaganti sa iyo ay ang Sanlibutan o Poong Maykapal.
Ang tinatawag diyan ay good karma.
Naniniwala si Dr. Tanzo at Wilson Chan sa good karma.
Every time daw na galing siya sa medical mission, hindi siya magkandatuto sa pagtanggap ng mga paying patients sa St. Luke’s.
Naranasan naman ni Wilson Chan ang good karma nang binigyan niya ng accommodation ang aming medical mission noong November, last year.
Matapos daw kaming umalis, nagdagsaan daw ang mga guests sa kanyang hotel. Marami raw dumating na mga grupo na sa Leyte Park na dumalo sa mga conferences na idinaos sa Tacloban City .
Sunod-sunod daw ang mga malalaking bookings sa kanyang hotel.
Coincidence?
Maraming nangyayari sa ating buhay na sinasabi nating coincidence dahil wala tayong maibigay na paliwanag.
In truth, there is no coincidence in this world. Everything happens for a reason.
Everything that happens is pre-ordained. Lahat ng nangyari o mangyayari sa iyo ay itinakda.

Bandera, Philippine News, 062910

Read more...