Mosque ililipat

DEAR Ms. Soriano:
Ako po ay masugid ninyong tagasubaybay ng inyong kolum na Aksyon Line sa Bandera.

Nais ko po sanang idulog ang problema naming mga Muslim sa hindi pagkakaisa ng ilan sa aming mga kapanalig hinggil sa isyu ng Mosque sa Pasay City na kamakailan lamang ay denimolish dahil ang kinatitirikan pala ng
aming bahay-dalanginan ay ang lupang pag-aari na ng isang pribadong korporasyon.

Gayunman, nabalitaan ko rin po na may ipinatatayong bagong mosque ang tao na nakabili ng lupa sa dati naming simbahan at ito po ay ilalagay raw sa isang brgy. Sa Parañaque City.

Bilang isang ordinaryong mamamayan hinihingi ko po ang inyong opinyon sa usapin na ito kung kami ho bang mga Muslim ay wala nang karapatan na maghabol sa mga gumiba sa aming mosque sa Pasay?

Ano po ang maipapayo ninyo?Maraming Salamat Po!

Lubos na
gumagalang,
Hamza Sorayno,
Pasay City
REPLY: Ito ay may kinalaman sa isyu tungkol sa mga katanungan ng paglilipat ng bagong Mosque mula sa Pasay City patungo ng Don Galo, Parañaque City.

Ang pag-demolish o paggiba sa lumang mosque sa Rjah Sulayman Grand Mosque, Pasay City ay ligal, una, dahil ang lupang kinatitirikan nito ay pag-aari ng isang pribadong indibidwal sa katauhan ng negosyanteng si Mr. Narciso Yu Ekey na nabili niya mula sa Philippine Estate Authority o PEA.

Pangalawa, patatayuan ang mga kapatid nating Muslim ng bagong mosque sa Parañaque City ni Ginoong Ukey sa halagang mahigit P40 milyon kasama na ang lupang pagtitirikan nito, ni-walang isang kusing na gagastusin ang mga kapatid nating Muslim sa pagpapatayo ng naturang bagong bahay-dalanginan at;

Pangatlo, ang mga pamilya na nakatira sa paligid ng dating mosque ay pinagkalooban ng karampatang kabayaran para sa kanilang pag-alis sa paligid nito upang makapagsimula ng kahit na maliit ng panibagong pangkabuhayan.

Sa totoo lang mga kapatid natin kay Allah, maituturing na hulog ng langit ang nakabili ng lupa na pinagtirikan ng lumang mosque dahil sa kanyang kagandahang loob na ipagpatayo sila ng bagong simbahan.

Hinihiling ko sa mga kapatid kung Muslim na intindihin muna ng mabuti ang isyu sa paglilipatan ng bagong mosque bago gumawa ng anumang hakbang na ikasisira ng dignidad ng mga Muslim.

Kaya aniya naaantala ang konstruksiyon sa bagong simbahan dahil may ilang indibiduwal ang tumututol sa hindi naman malinaw na dahilan.

Bilang patotoo mayroon ng ibinigay na bank certification na nagkakahalaga ng P25milyon na magpapatunay na handang gastusan ni Ginoong Ukey ang pagpa-patayo ng bagong mosque bukod pa sa pagkakaloob ng 2,000 sq meters na lupain at sa loob ng 3 buwan ay inaasahang matatapos na ang bagong Mosque

Thank you very much and Wassalamu’alaikom.

Datu Bashir Alonto, Chairman, Metro Manila Muslim Community for Justice and Peace
(MMCJP)

Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapag- lingkuran sa abot ng aming makakaya.
Kaya naman huwag kayong mag-atubiling sumulat sa Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola St. cor. Pasong Tirad st., Makati City.
Maaari rin kayong mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph. Serbisyo publiko sa AKSYON LINE. Kakampi mo! Maaasahan!

Read more...