Coco Martin: Maling-mali kung liligawan ko si Shaina ngayon!

Coco Martin at Shaina Magdayao

AYAW madaliin ni Coco Martin ang pag-aasawa. Kung meron man daw siyang priority ngayon, ‘yan ay walang iba kundi ang kanyang pamilya.

Ayon kay Coco, gusto muna niyang tiyakin ang magandang kinabukasan ng kanyang mga kapamilya bago siya magpakasal at magkaroon ng sariling family. Alam daw kasi niya kung gaano kahirap ang maging mahirap.

Kaya nga todo tanggi si Coco sa chikang seryoso na siya sa panliligaw sa co-star niya sa Primetime Bida series na Juan dela Cruz – si Shaina Magdayao.

Kalat na kasi ang balita na laging nagpapa-order ng masasarap na pagkain si Coco para kay Shaina lalo na kapag inuumaga na ito sa taping ng Juan dela Cruz. Pinalalabas lang ng aktor na para sa staff ng serye nila ang mga pagkain, pero ang totoo ay regalo raw niya ‘yun kay Shaina.

Pero nang tanungin nga namin ito sa thanksgiving press ng Juan dela Cruz, natawa lang si Coco sabay sabing mahal niya ang lahat ng katrabaho niya at nakiusap na huwag nang lagyan ng malisya ang mga ginagawa niya.

Inamin naman niya na girlfriend material talaga si Shaina, aniya “perfect” nga raw ang dalaga dahil “napakabait, napakaganda at disente”, “Kumbaga sa lalaki, wala ka nang mahihiling pa.”

“Pero kung ako ang tatanungin kung liligawan ko si Shaina? Siguro not this time. Kasi parang hindi ko maibibigay ‘yung oras para sa isang relasyon. Kasi sabi ko nga, ako sa sarili ko, halos wala akong time. Pero darating din tayo diyan,” dagdag pa ni Coco.

Hirit pa ng binata, “Nag-eenjoy kami sa trabaho namin, sa grupo namin, na kapag nagte-taping kami, wala kaming ginagawa kung hindi kumain, magtawanan.”

Sa ngayon, walang-wala pa talaga sa isip ni Coco ang mag-asawa at magkaroon ng mga anak, kahit na 31 na raw siya, bata pa raw ‘yun para magpamilya.

“Ako, ayaw kong madaliin (magpakasal) kasi nanggaling ako sa wala at alam ko na hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng ganitong opportunity. Kumbaga darating din ang panahon. Kasi ngayon parang hindi natin prayoridad na parang gusto nating tumahimik o mag-settle. Hindi ba mas iniisip natin ngayon ‘yung future natin?” sey ni Juan.

Samantala, kung merong isang proyektong gustong gawin ni Coco ngayon, “Kung gagawa akong mainstream movie, gusto ko gumawa ng isang horror movie. At kung mabibigyan ako ng pagkakataon, gusto ko makasama si Ms. Kris Aquino.”

Natawa lang siya nang tanungin kung type rin niyang mag-comedy, “I’m sure comedy hindi talaga, e. Hindi ko alam kung kaya ko magpatawa. Siguro, pitik-pitik, mga maliliit na ano. Pero kung tatanungin ako kung ano yung gusto ko talaga…drama at may konting action!”

“Yun yung nararamdaman ko na du’n ako masaya kahit na wala akong ginawa— lalo na pag soap opera—kung hindi umiyak nang umiyak. Pero yun yung paraan ko para makipag-communicate, para makapag-bigay ng magandang mensahe sa ating mga manonood,” sabi pa ni Coco.

Read more...