ILANG taon nang itinatanghal ng Prime Event Productions Philippines (PEPPS) Foundation ang pambansang patimpalak na Misters of Filipinas at pandaigdigang kumpetisyong Man of the World. Ngayong 2023, isa pang pageant ang bubuksan nito para sa mga ginoong nasa “prime” na nila.
Inilunsad ni PEPPS Pres. Carlo Morris Galang ang “Misters of Filipinas Prime” pageant sa Winford Manila Resort and Casino sa Maynila noong Peb. 28. “I noticed that there are so many pageants for ‘Mrs.’ now, but there aren’t any for men. This will be its counterpart for males,” aniya.
Wala pang patimpalak sa Pilipinas na katulad ng Misters of Filipinas Prime, kung saan makikipagtagisan ang mga single na lalaki sa mga may asawa o anak na. Bukas ang kumpetisyon sa mga lalaking mula 28 hanggang 48 taong gulang, malayo sa age bracket ng mga karaniwang contest na mula 18 hanggang 30.
“The search will look for misters honed by experience, and perfectly refined by time,” sinabi ng PEPPS. Isusulong ng patimpalak ang kalusugang pangkalalakihan, at ipadadala ang magwawagi sa Mister Universe Prime competition.
Ngunit hindi naman isasantabi ng PEPPS ang pagtatanghal sa orihinal nitong patimpalak dahil sa paglulunsad ng bagong contest. Sa katunayan, nagbabalak na ito ng isang bonggang pagdiriwang para sa ika-10 edisyon ng Misters of Filipinas pageant ngayong taon, upang ipagbunyi ang isang dekada nitong kasaysayan sa larangan ng pageants sa bansa.
Mula nang mabuo noong 2013, naitala na ng ilan sa mga hari ng Misters of Filipinas pageant ang mga unang panalo ng bansa sa iba’t ibang pandaigdigang patimpalak—sina 2014 Mister International Neil Perez, 2016 Man of the Year Karan Singhdole, 2018 Mister Tourism Universe Ion Perez, 2018 Mister Model Universe Carlo Pasion, 2019 Mister Tourism and Culture Universe Yves Campos, reigning Runway Model Universe Junichi Yabushita, at reigning Man Hot Star International Jovy Bequillo.
Itatanghal din ng PEPPS ang ikalimang edisyon ng Man of the World pageant sa kalagitnaan ng taon, at inaasahan pa ang pagdating sa Pilipinas ng 40 kinatawan ng iba’t ibang bansa.
Ngunit hindi nagtatapos ang pageantry sa nasabing mga patimpalak. Isasagawa rin ng foundation ang ikatlong Philippine Pageant Ball na naglalayong tipunin ang mga hari at reyna ng iba’t ibang mga organisasyon, mga haligi, at lahat ng mga nagpapaningning sa mundo ng pageantry sa bansa. Unang idinaos ang ball noong 2017, at muling binuhay noong isang taon.