NAKAKUHA ang Mrs. Face of Tourism Philippines pageant ng mga pamilyar na pangalan para sa una nitong edisyon ngayong taon, kabilang sina dating Binibining Pilipinas World Janina San Miguel at mga dating sexy actress na sina Sabrina M at Alma Soriano sa hanay ng mga opisyal na kandidata.
Kasama ang tatlo sa 16 na kalahok na ipinakilala ni pageant organizer Annie Refrea sa grand ballroom ng Winford Manila Resort and Casino sa Maynila noong Marso 4. May 20 kabuuang kandidata ang patimpalak, apat ang hindi nakasipot sa programa.
Ngunit naungusan ang tatlong sikat na kandidata ni Susan Villanueva mula Baguio City para sa botohan para sa “Darling of the Press” sa mga kawani ng midya. Nakakuha siya ng 17 boto, higit ng dalawa sa natanggap ni San Miguel. Pumangatlo naman si Sabrina M, Karen Palasigui sa tunay na buhay, na may pitong boto.
Sinagot din ng tatlong tanyag na dilag kung makatutulong sa kanila ang kasikatan nila. Pumutok ang pangalan ni San Miguel dahil sa bidyo ng sagot niya sa question-and-answer round ng 2008 Bb. Pilipinas pageant na nag-viral online. Samantala, sumali naman si Palasigui sa 1993 Mutya ng Pilipinas pageant kung saan siya hinirang bilang Miss Photogenic.
Napanood naman ang aktres sa mga pelikulang tulad ng “Kakaibang Karisma,” “Makamandag na Bango,” at “Ma’m, Turuan Mo Ako.” Kabilang naman si Soriano, Rowena Almocera sa tunay na buhay, sa mga pelikulang “Kapirasong Gubat sa Gitna ng Dagat,” “Hiyas…sa Paraiso ng Kasalanan,” at “Dalawang Pisngi ng Langit.”
“I’m a broadcast communication student before, and good and bad publicity is still publicity,” ani San Miguel. “For sure I’ll be the very best spokesperson for this organization. And I will promote tourism in our country, to recover after the [pandemic]. That’s my advocacy, thank you,” pagpapatuloy pa niya.
Samantala, sinabi ni Almocera na, “although being popular is an advantage, we will compete with our own talent, our own skills and our own intellect.” Inamin naman ni Palasigui na bentahe ang katanyagan niya. “Magagamit mo talaga ito. Pero siyempre kailangan mo rin pong samahan ng galing, tiwala sa sarili,” aniya.
Kinakatawan ni San Miguel Quezon City sa patimpalak, habang binabandera naman ni Palasigui ang San Mateo, Rizal. Samantala, bitbit naman ni Almocera ang bayan ng Malolos sa lalawigan ng Bulacan.
Hindi pa tinutukoy kung saan at kailan itatanghal ang coronation night, ngunit sasabak ang hihiranging reyna sa unang Mrs. Face of Tourism Universe pageant bilang kinatawan ng Pilipinas. Apat na national titles pa ang igagawad—Mrs. Face of Eco-tourism, Mrs. Face of Culture and Heritage Philippines, Mrs. Face of Health and Wellness, at Mrs. Face of NAITAS.