Ate Vi excited na sa reunion movie nila ni Boyet na kukunan pa sa Japan; sasabak naman sa ‘aksyon’ sa pelikula ni Erik Matti
By: Ervin Santiago
- 2 years ago
Christopher de Leon at Vilma Santos
EXCITED at super happy na ibinalita ng nag-iisang Star For All Seasons na si Vilma Santos ang mga susunod na projects na gagawin niya ngayong 2023.
Muling humarap sa ilang miyembro ng entertainment press kahapon si Ate Vi para ibandera ang mga pinagkakaabalahan niya ngayon bukod sa pagiging vlogger.
Ayon sa movie icon at dating public servant, tuloy na tuloy na ang pelikulang pagsasamahan uli nila ng isa sa kanyang favorite leading man ni Christopher de Leon.
“I’ll be doing a movie with Boyet, Christopher de Leon. We will shoot in Japan. We’re leaving anytime March. And then, I’m excited also to do a movie with Erik Matti. Kasi tapos na yung script.
“So we will try to finalize the script ng movie ko naman with Erik Matti on March 13.
“So, far ito yung mga nakalinya. And then, I’ve been looking forward din ako ng isang movie with Star Cinema. Ito, yung so far mga future na gagawin ko,” pagbabahagi ng premyadong aktres sa mediacon ng bago niyang endorsement, ang motorcycle taxi company na Angkas.
Sey pa ni Ate Vi, dalawang working title ang pinag-iisipan ng production para sa reunion movie nila ni Boyet, ang “I’m So In Love With You” o “True Love in Kyoto.”
Chika pa ni Ate Vi, hindi lang niya leading man si Boyet sa naturang movie kundi associate director din ito, “It’s a love story. Pero yung istorya nu’n, sa edad namin. Hindi kami yung love story na magbabata-bataan kami o pa-cute.
“The love story ay may kinalaman na rin kung ano yung edad namin ngayon. And at the same time, istorya ng OFW na fell in love in Japan, sa edad namin.
“It’s a very simple story, pero malalim pag pinag-usapan yung love. First time niya akong ididirek. So, I’m excited,” kuwento pa ng aktres.
Samantala, ayon sa CEO ng motorcycle taxi company ni ineendorso ni Ate Vi na si George Royeca, hindi lang sa Metro Manila sila nag-o-operate dahil meron na rin daw sa Cebu at Cagayan de Oro.
Ayon pa kay Ate Vi, plano nilang ikutin ang iba’t ibang bahagi ng bansa para mas mapalawak pa ang kanilang reach at mabigyan ng kabuhayan ang mga Pinoy na wala pa ring pinagkakakitaan dahil sa pandemya.
Nakatakda rin siyang gumawa ng mga advocacy projects para mas maprotektahan at nakaiwas sa disgrasya ang mga riders at ang kanilang mga pasahero.
Kuwento ng aktres, noon nasa Kongreso pa siya, naging bahagi siya ng House Committee on Labor and Employment at House Commitee on Poverty Alleviation.