Bumberong beauty queen nagpaalala sa ‘Fire Prevention Month’

Reigning Mrs. Universe Philippines Veronica Yu

Reigning Mrs. Universe Philippines Veronica Yu/ARMIN P. ADINA

 

TEENAGER pa lang si Veronica Yu volunteer firefighter na siya. At nagpapatuloy siya sa pagpapaalala sa madla na iwasan ang sunog sa kani-kanilang mga tahanan, lalo pa ngayon na Mrs. Universe Philippines na siya.

Ginugunita sa bansa ang “Fire Prevention Month” tuwing Marso, kung kailan malimit na nangyayari ang mga sunog. Kaya nakiusap si Yu sa mga Pilipino na “stay away from fire,” sinabi niya sa kaniyang victory press conference sa Illo’s Home Buffet sa Swire Elan Suites sa San Juan City noong Peb. 24.

Nagtapos siya sa ikapitong puwesto sa hanay ng mahigit 100 kandidata sa 2022 Mrs. Universe pageant na itinanghal sa Sofia, Bulgaria, noong Peb. 4 (Peb. 5 sa Maynila). Siya na ngayon ang may pinakamataas na pwesto sa lahat ng mga Pilipinang bumandera sa pandaigdigang patimpalak. Semifinalist naman noong 2019 ang national director niyang si Charo Laude.

Napangasawa ni Yu ang isa pang bumbero, si Johnnie Yu, kaya mahalaga sa kanila ang kaligtasan at seguridad. Ngunit maliban dito, isinulong din ng reyna sa pandaigdigang entablado ang pagtigil ng karahasan laban sa kababaihan at mga anak nila.

Iginawad ang korona kay Elena Maximova mula sa Russian Republic of Udmurtia, na kinilala ni Yu bilang karapat-dapat na reyna. “May judges naman. Destiny iyan, kaya tanggapin natin. Karangalan na ang makatuntong sa international stage,” sinabi ng Pilipinang reyna. Kinilala rin si Yu bilang Mrs. Elegance sa 2022 Mrs. Universe pageant.

Reigning Mrs. Universe Philippines Veronica Yu/ARMIN P. ADINA

Limang kandidata ang pinadala ng Mrs. Universe Philippines Foundation. Maliban kay Yu, nakapasok din sa semifinals si Gines Angeles. Kasama nilang bumandera sina Lady Chatterly Alvaro-Sumbeling, Jeanie Jarina, at Virginia Evangelista.

Sa Pilipinas itatanghal ang susunod na Mrs. Universe pageant, ang edisyon nito para sa 2023, sa darating na Oktubre. Sinabi ni Laude na malapit nang lumabas ang mga detalye para sa national competition kung saan pipiliin ang mga ipadadala sa pandaigdigang patimpalak.

Iba pa ito sa isang patimpalak na may katulad na titulo. Nasa Bulgaria ang international organization na kausap ni Laude, at nagtatanghal na ng patimpalak nang walang mintis mula 2007. Sinasabi ng pangkat sa Sofia na 45 taong gulang na ang Mrs. Universe pageant.

Isang Pilipina sa Australia naman, si Maryrose Salubre, ang bumuo sa isa pang patimpalak, ang Mrs. Universe (Official). Itinanghal ang una nitong patimpalak nitong Disyembre lang. Naiulat pang sa Pilipinas din ito magtatanghal ng patimpalak para sa 2023, sa Oktubre rin.

Read more...